Advertisers
SA pamamagitan ng backtracking ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD), naisaoli sa Customs Processor ang halos isang milyong halaga ng cash na nahulog nito habang nagmomotorsiklo sa Binondo, Maynila.
Ayon kay PLt. Col. Rexson Layug, hepe ng MPD Station 11, sa pagsisikap ng mga pulis ay narekober ang nahulog na pera ni Christopher Fulleros, customs processor, sa bahagi ng Muelle Del Banco International, Binondo sa pamamagitan ng backtracking ng pulisya.
Binabagtas ni Fulleros ang nasabing lugar Martes ng umaga, Oktubre 18, sakay ng kanyang motorsiklo at nakalagay lamang sa isang ecobag ang pera nang mahulog ito.
Tiyempo namang may bystander na nakapulot nito at dahil hindi batid ang laman ng ecobag ay iniabot nito sa isang tricycle driver dahil sa pag-aakalang sa kanya ito nahulog.
Napansin ng tricycle driver na si Edmond Ocampo na bugkos ng pera ang laman ng eco bag nang buksan nila ng kanyang pasahero na si Wilson Manmano. Pinaghatian ng dalawa ang halos isang milyon.
Sa patuloy na backtracking na pulisya, natunton ang kinaroroonan ni Ocampo kaya naisauli ang halagang P496,420 habang P485,000 naman ang naibalik ni Manmano.
Ayon pa kay Layug, ibinalik ni Ocampo ang pera sa loob mismo ng Brgy. 306, District 3, kaharap ang ilang operatiba at opisyal ng barangay.
Dagdag pa ni Layug, napag-alaman niya na ang sinasabing Wilson ay kakilala naman ni PSMS Dennis Rivera, nakatalaga sa MPD-PS 5, kaya nakipag-ugnayan ito para maibalik ang kakulangan sa nahulog na pera.
Sinamahan ni Rivera si Manmano sa mismong tanggapan ng MPD-PS11 bitbit ang naturang halaga.
(Jocelyn Domenden)