Advertisers
IPINAHAYAG ng dating hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Senador Ronald dela Rosa na maaari pa magpapatay sa labas ang mga drug lord kahit nakakulong na sila sa National Bilibid Prison (NBP).
Ito ang reaksyon ni Dela Rosa kasunod ng pagkakapaslang sa mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa kamakailan.
Ayon kay Dela Rosa, posibleng mangyari ang alegasyon ng self-confessed gunman na si Joel Escorial na iniutos ng isang “middleman” na nakakulong sa NBP ang pagpatay kay Mabasa.
Dagdag pa ni Dela Rosa, malala na ang sindikato sa loob ng maximum security compound. “Yung mga sindikato sa loob, lalo silang lumala. Wala na silang takot kasi nakakulong na sila. Hindi na sila pwede
ikulong dahil nakakulong na sila, hindi na sila pwedeng hulihin.”
Inihalimbawa nito ang isang insidente kungsaan isang mahistrado ng Korte Suprema ang humingi sa kanya ng tulong nang pagbantaang papatayin ng isang drug lord ang isang hukom kung hindi papabor sa kanya ang ilalabas niyang desisyon sa kaso nito.
“‘Pag hindi niya papaboran ang desisyon niya na laban doon sa isang drug lord sa loob ng Bilibid, may mangyayaring masama sa kanya. Tinatakot siya,” wika ni Dela Rosa.
Inilahad pa nito ang isa pang insidente kung saan isa pang nakakulong na drug lord ang nag-utos na patayin ang kanyang kasintahan sa labas ng piitan dahil umano sa selos.
Naisagawa aniya ang utos, gayunman, nakaligtas ang babae nang tamaan lang ng bala sa kanyang mukha.
“Ganun katindi ang sindikato sa loob,” sabi ng senador.
“Yun na, pinatay. Sigurado ‘yan may nag-utos na naman na patayin ‘yung nasunog na contractor,” paliwanag nito kaugnay sa pagkamatay ng “middleman” sa pagpaslang kay Mabasa.
“Stop communications, stop contact with the outside world. Paano mo ‘yan gagawin eh, ang daming squatter sa loob ng Bilibid, na pwedeng magtapon ng cellphone sa loob ng Bilibid,” lahad pa ni Dela Rosa.
“Dapat talaga ibalik death penalty, ‘yung mga pinatawan ng death, dapat binibitay na para hindi na makagawa ng kalokohan sa loob. ‘Yun ang pinaka-immediate solution,” dagdag pa ng senador.