Advertisers

Advertisers

‘Pamangkin’ ng mayor, katropa huli sa P1m ‘damo’

0 400

Advertisers

DINAKIP ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit-RID NCRPO sa Manila ang umano’y pamangkin ng alkalde sa Isabela at kasama nito sa buy-bust operation nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang mga inaresto na sina Paul Garcia at Ivan Joe Nalog.

Nasamsam sa mga ito ang siyam na “UPO”, pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng halos P1 milyon.



Ayon sa report, mula sa lalawigan ng Isabela nagbiyahe ang mga naaresto dala ang dalawang bag na naglalaman ng 9 pakete ng marijuana patungo sa usapang lugar sa bus terminal sa kanto ng Earnshaw St. at Lacson Ave., Sampaloc, Maynila.

Hindi agad nagpakita sina Garcia at Nalog ng ilang oras sa buyer dahil sa pag-iingat.

Nang kampante na ang dalawa, itinuloy ang transaksyon sa poseur buyer na hindi nila alam na operatiba ng RDEU-NCRPO.

Ayon sa team leader ng mga operatiba, nasa ilang kilo ng marijuana ang transaksyon subali’t hindi kinayang i-deliver nina Garcia at Nalog.

Tinangka pang gumamit ng impluwensya ng mga nadakip. Binanggit ang pangalan ng isang mayor sa Isabela na tiyuhin diumano, pero di umobra sa mga operatiba ng RDEU.



Kasalukuyang bineberipika ng RDEU-NCRPO ang relasyon ng mga nadakip sa mayor na hindi muna pinangalanan, habang inihahanda ang kasong isasampa sa mga suspek sa paglabag sa RA 9165.