Advertisers
Maraming naalarma sa 1-6 na kartada ng Growling Tigers sa season 85 ng UAAP. Sila kulelat sa standings sa first round,
Inaasahan kasi ng mga tagahanga na gumanda laro ng UST sa ilalim ng bagong coach nilang si Bal David na ex Ginebra player at bahagi ng 4-peat ng Pontifical University noong 90s.
Kaso matapos talunin ang Adamsaon sa kanilang unang game ay puro olat na sila at tambak pa ang iba.
May ilan tuloy na nagmumungkahi na ilipat na ng mga Dominicano ang programa ng basketball sa isang samahan na propesyunal daw at kilalalang winner sa sport nating paborito.
Nguni’t kung aanalisahin mabuti ay malalim ang ugat ng problema ng mga taga-Espana Blvd at siyempre kung ipapasa sa isang pangkat ang responsibilidad ay tiyak may kapalit na pwedeng hindi katanggap-tanggap ng pamantasan.
Una nadiskaril ang koponan sa panahon ng kasagsagan ng pandemya dahil sa Sorsogon bubble. Nawala si head mentor Aldin Ayo at isa-isang nagoberdabakod ang mga player. Si CJ Cansino napunta sa UP at nagkampeon. Ganyan din naganap kay Rhenz Abando na pinangunahan naman paghahari ng Letran sa NCAA. Si Mark Nonoy isa sa importanteng guard na ng DLSU.
Noong isang taon umupo yung dating assistant ni Ayo pero walang nangyari. Hayun pinalitan agad ni David.
Pero may nagtatanong din kung best bet ba si David bilang HC. Kung titingnan mo kasi ay nagkalat din sa ibang team mga kasabayan ni Bal at iba pang alumni . Nandiyan si Siot Tanquincen na assistant ni Jeff Napa sa NU at si Gilbert Lao na staff naman ni Olsen Racela sa ADU. Pati si Christian Loanzon ay alalay ni Goldwyn Monteverde sa UP. Kung experience at abilidad ang pag-uusapan ay lamang si Siot na nagkatitulo pa bilang coach sa PBA.
Tapos may mga negosyanteng produkto rin ng USTe na handa na gumastos para sa koponan. Yun bang hindi lang iisa ang tutustos at kokontrol. Ganyan sa kapanahunan ni Aric del Rosario.
Kombinasyon lang marahil ng isang tamang coach at suportado ng nagmamalasakit nagrupo ng mga manager ang dapat sa mga Tomasino.
***
Bakit nga ba Manila Clasico taguri sa mga laban ng Magnolia at Ginebra San Miguel?
Kesyo ito raw ang inaabangan ng lahat. Pukpukan daw kasi ang laro nila.
Ayon kay Tata Selo ay hype lang yan ng PBA. Nais lang nila bumuo ng isang rivalry na kakapanabikan ng tao.
Yung bang gaya ng tagisan ng Crispa at Toyota noong araw.
Ang layo ng comparison. Yung sa Redmanizers at Comets ay tototoong bakbakan. Minsan may suntukan pa nga. Hindi pilit pagiging mahigpit nilang magkatunggali.
Sila madalas magkita sa finals. Katunayan silang dalawa naghari sa liga mula simula. Nakopo nila ang lahat ng titulo hanggang nagwagi ang U-Tex ng isa taong 1978 na.
Hati din pati mga fan. May mga maka- Atoy Co at Philip Cezar kontra naman sa mga Robert Jaworski at Ramon Fernández na mga diehard.