Advertisers
NASAWI ang tatlong pastor at labing tatlo pang pasahero ang nasugatan nang salpukin ng isang bus ang isang SUV, Lunes ng gabi sa Barangay Balubad, Atimonan, Quezon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Gener Pablo at Melandro Bocito, kapwa residente ng Oas, Albay; at Chona Pablo ng Daet, Camarines Sur. Pawang pastor ang mga biktima.
Patuloy na ginagamot sa Marta District Hospital ang tatlo pa nilang kasama na sina Jovelito Amar, 58, driver ng SUV (EAD 336); Noel Sazon Viernes, 50; Jeneth Rull Amar, 55, titser; at Rodolfo Bulo.
Kinilala naman ang driver ng ALPS Bus Liner na si Rosel Diez, 44, na inilipat sa Batangas Medical Center sa Batangas City; at nakauwi na sa kanilang mga tahanan ang sampung iba pa na bahagyang nasaktan na mga pasahero ng bus.
Ayon sa inisyal na report ni Atimonan Municipal Police Station acting chief Major Elena Lumaban, basa ang kalsada kaya dumulas ang gulong ng bus na patungo ng Bicol at inokupa ang linya ng kasalubong na SUV (Toyota Fortuner) na sinasakyan ng mga biktima na papunta ng Dagupan para dumalo sa isang Pastoral Convention.
Nahagip din ng bus ang nakaparadang Fuso trailer truck na minamaneho ni Jeofry Carido Jr.,37, ng Brgy. Salay, Isabela.
Naisugod pa sa pagamutan ang mga pasahero ng SUV at bus subalit idineklarang dead on arrival sina Gener at Bocito, samantalang binawian ng buhay si Chona habang nilalapatan ng lunas.
Mahaharap ang driver ng bus sa mga kasong Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries and Damage to Properties.- (KOI LAURA)