Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na nasa pangangalaga na nila ang ang kapatid na babae ng umano’y middleman sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Ayon kay DoJ Secretary Jesus Crispin Remulla, ang kapatid ng pumanaw na si Jun Globa Villamor ay na-turn over na sa kanila ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinasabing bago mamatay si Jun Villamor noong Oct. 18 sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kung saan isa siyang person deprived of liberty (PDL) ay nakapag-text pa ito sa kanyang kapatid na itinago sa pangalang “Marissa”.
Nag-text daw si Villamor na nagsasabing ingatan ang sekreto at kung namatay siya saka raw ito ilabas.
Sinasabi pa sa mensahe na kapag nawala ito, iparating kay Joel Escorial na ang nag-utos ay ang 3 commander sa loob ng Bilibid na Sputnik, Happy Go Lucky at BCJ, mga Bilibid gang.
Ang nag-utos naman daw ay galing sa opisina nila.
Ayon pa kay alias Marissa, matagal nang magkakilala ang kanyang kapatid na si Villamor, Escorial at isa pang Christopher Bacoto ( isa rin middleman na sangkot sa plano) dahil magkaba-bario daw sila.
Una rito, ang self-confessed killer na si Joel Escorial ay nagbulgar sa kanyang affidavit na isang Crisanto Palana Villamor ang komontrata sa kanya para ipapatay si Lapid sa halagang P550,000.
Iniutos na rin ni Sec. Remulla ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Villamor sa loob ng NBP.