Advertisers
ARESTADO ang 62-anyos na lolo, at tatlo nitong anak na lalaki nang akusahan ng panghahalay sa tatlong magkakapatid na kanilang kadugo sa Taysan, Batangas.
Napag-alaman na ang tatlong biktima na nasa edad 18, 12, at pito na ngayon ay anak ng dating overseas Filipino worker na itinago sa pangalang “Linda.”
Labis ang kalungkutan ni Linda sa nangyari sa kaniyang mga anak, sa kamay mismo ng kaniyang sariling ama at tatlong kapatid na lalaki.
“Ang gusto ko lang sa mga anak ko sana maging masaya ang paglaki nila,” emosyonal na pahayag ni Linda, 40 anyos.
Sa report, dinakip ang mga suspek sa bisa ng arrest warrant.
Ang mga manyakis na kapatid ni Linda ay may mga edad 18, 22, at 32.
Ayon kay Linda, July 2021 habang nagtatrabaho siya sa ibang bansa nang magsumbong sa pamamagitan ng mensahe ang isa niyang anak kaugnay sa ginagawang pang-aabuso ng lolo at mga tiyuhin.
“Sabi niya, ‘Mama.’ Mama lang walang salitang kung anuman.” Nang tanungin daw niya ang anak kung bakit, sinabi raw ng anak na, ‘Natatakot po ako.”
Taon 2014 pa raw nangyayari ang pagsasamantala ng mag-aama sa magkakapatid. Hindi raw nakapagsumbong ang mga biktima dahil sa takot.
Ayon sa pulisya, nagkaroon ng trauma ang magkakapatid na mga biktima. Ang mga kahalayan nalang umano ang naaalala ng mga ito at hindi na gaanong matandaan kung ilan ulit silang pinagsamantalahan.
Sasampahan ng reklamong rape ang mga nakadetineng mag-aama.
Nasa pangangalaga na ng social welfare department ang mga biktima at isasailalim sa counseling.