Advertisers
OPSYONAL nalang ang pagsusuot ng face mask sa indoor at outdoor areas batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa gitna ng pandemya ng Covid-19.
Ang direktiba ay nasa ilalim ng Executive Order No. 7, na minarkahan ang unang pagkakataon mula noong Marso 2020 na ang publiko ay nagkaroon ng opsyon na magsuot ng face mask o kung hindi man sa indoor setting.
“A policy of voluntary wearing of face masks in both indoor and outdoor settings is a step towards normalization and a welcome development that would encourage activities and boost efforts toward the full reopening of the economy,” nakasaad sa EO.
Gayunpaman, inirerekomenda pa rin ng EO 7 ang pagsusuot ng face mask para sa mga matatanda, mga indibidwal na may comorbidities, mga immunocompromised na indibidwal, mga buntis, pati na rin ang mga hindi pa nabakunahan na mga indibidwal at mga may sintomas ng COVID-19.
Samantala, ipatutupad pa rin ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa mga sumusunod na lugar:
– healthcare facilities, kabilang ang, ngunit hindi limitado sa mga klinika, ospital, laboratoryo, nursing home, at dialysis clinic
– medical transport vehicles tulad ng mga ambulansya at paramedic rescue vehicles
– public transportation sa pamamagitan ng lupa, hangin o dagat
Nanawagan naman si Marcos sa publiko na maging masigasig pa rin sa pagsasagawa ng mga health protocols tulad ng pag-practice ng personal hygiene, madalas na paghuhugas ng kamay, physical distancing, at pagpapanatili ng magandang bentilasyon lalo na sa mga panloob na setting.
Inatasan din niya ang lahat ng local government units na magsumite ng regular na ulat sa kanilang vaccination status sa Department of Health.
Ang mga lugar na kasalukuyang nasa low risk classification ng COVID-19 pero nasa Alert Level 2 status dahil sa kabiguan na maabot ang vaccination target ay lubos na hinihikayat na palawakin ang kanilang pagbabakuna at booster coverage.
Inilabas ang EO 7 tatlong araw matapos ipahayag ni Tourism chief Christina Frasco na nakatakdang i-relax ni Marcos ang COVID-19 protocols na may kinalaman sa pagsusuot ng face mask.
Nauna nang inilabas ni Marcos ang EO No. 3 noong Setyembre 12, na nagpapahintulot sa opsyonal na pagsusuot ng face mask sa outdoor settings. (Vanz Fernandez)