Advertisers
PATAY ang isang company supervisor nang aksidenteng mabaril ng boss habang kinokompronta ang isa sa mga empleyado na nagnanakaw umano ng krudo sa loob ng East Gate Aggregates Company sa Barangay Budiao, Daraga, Albay.
Kinilala ang biktima na si Terry Tranquilian, residente ng Brgy. Libas, Guinobatan, Albay.
Sumuko naman ang may-ari ng East Gate Aggregates na si John Michael Santiago Freno, 36, ng Lakandula Drive, Purok-5, Brgy. Tagas, Daraga matapos ang insidente.
Sa ulat, 11:30 ng umaga, kinompronta ni Freno ang isa sa mga kawani nitong si Rosito Masayao dahil umano sa pagnanakaw ng krudo sa pamamagitan ng ‘paihi’.
Sa init ng pagtatalo, tinutukan ng baril ni Freno si Masayao pero aksidenteng pumutok ito at ang tinamaan sa dibdib ang katabing si Tranquilian.
Duguang isinugod mismo ng salarin sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang biktima pero hindi na umabot ng buhay.
Ayon sa Daraga Police, mismong si Freno ang tumawag at humingi ng responde makaraan ang aksidente at sumuko. Hindi naman natagpuan sa ginawang paghahanap ang baril ni Freno na inaming inihagis niya sa ilog dahil sa takot.