Advertisers
NAIS ni Senador Jinggoy Estrada na makapagtatag ng Online Death Verification System (ODVS) upang maagapan at maiwasan ang mga kaso ng identity theft ng mga yumao.
Sa kanyang inihaing Senate Bill 1436, layunin nitong mapadali ang pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng Philippine Statistics Authority (PSA) at mga ahensya ng gobyerno na namamahala sa insurance at pension funds upang sugpuin ang anumang mapanlinlang na gawain.
“Sa maraming pagkakataon ay napatunayan sa maraming imbestigasyon na isinagawa ng Senado na nagagamit ang pangalan ng mga yumao na sa mga fraudulent payment claims, dayaan sa halalan at iba’t ibang uri ng panloloko. Panahon na para solusyunan ang bagay na ito,” diin ni Estrada.
Nakatakdang maghain si Estrada ng panukalang batas na magtatatag sa Philippine Death Check (PDC) Register, isang centralized electronic database maglalaman ng mortality data na irerehistro sa Local Civil Registrar (LCR) na siya namang pangangasiwaan ng PSA.
Sa ilalim ng panukalang “Online Death Verification System Act,” kapag nairehistro na ang pagkamatay ng isang indibidwal sa LCR, ang impormasyon ay mabilisang ia-upload sa PDC Register Electronic System.
Titiyakin din ng PSA ang seguridad at integridad ng PDC mula sa mga data breaches at iba pang paraan ng pamemeke ng impormasyon.
Ani Estrada, matagal ng sinasamantala ng mga kriminal at sindikato ang kawalan ng mabilis na access sa death data upang isagawa ang kanilang mga mapanlinlang na gawain at mga katiwalian.
Isa sa ganitong kaso ang natuklasang multibillion-peso bogus claims na binayaran ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa mga dialysis treatment centers noong 2019, sabi ng senador.
Sinabi rin ni Estrada na makakatulong ito sa paglilinis ng listahan ng mga rehistradong botante upang hindi na magamit ng mga kawatan ang pangalan ng mga yumao para manipulahin ang resulta ng halalan.
Para magkaroon ng mahusay at centralized online death verification system, bibigyan ng PSA ng agarang access sa impormasyon ang PhilHealth, Commission on Elections (Comelec), Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Home Development Mutual Fund (HDMF) at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) upang mapigilan ang identity fraud.
Sa pagproseso ng mga personal na impormasyon, mananaig pa rin ang mga probisyon ng Data Privacy Act of 2012, giit ni Estrada.
May kaukulang multa mula P500,000 hanggang P4 milyon, gayundin ang pagkakakulong mula tatlo hanggang anim na taon ang ipapataw sa sinumang mapapatunayan na sinadya ang paglabag sa pagkuha ng nasabing impormasyon. (Mylene Alfonso)