Advertisers
ITINURO ng ilang witness si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag bilang isa sa masterminds sa pagpatay sa hard-hitting radio commentator na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Danilo Pelagio, Legal Counsel ng kapatid ni Percy na si Roy Mabasa.
Ayon kay Pelagio, 3 gang leaders sa New Bilibid Prison (NBP) ang nagbunyag na isa si Bantag sa mga utak sa krimen.
Matapos, aniya, ang pag-amin ng gunman na si Joel Escorial at pagpatay sa ‘‘middleman’’ na si Jun Villamor, ilan pang testigo at bilanggo ang lumutang upang ituro ang suspendidong BuCor Director.
Mayroon din umanong ebidensya ang mga testigo laban kay Bantag, kabilang na ang perang ibinayad sa gunman na naberipika sa pamamagitan ng bank deposits.
Isa rin, aniyang, hindi pa pinapangalanang tao ang nagbigay ng pera bilang kabayaran sa pagpatay kay Percy.
Ibinunyag din ni Pelagio na ilan pang bagong suspek ang tinukoy ng mga imbestigador bilang mga kasabwat.