Advertisers

Advertisers

Bong Go: Super Health Centers, higit na kailangan ng mga katutubo

0 194

Advertisers

BINIGYANG-DIIN ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagnanais na lalo pang mapalakas at mapabuti ang sektor ng kalusugan sa bansa para mas maging accessible o abot-kaya ang mga serbisyong pangkalusugan ng gobyerno, lalo sa mga mahihirap at katutubo na nasa mga liblib na lugar.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health at vice-chair ng Senate committee on finance, suportado ni Go ang pagpopondo sa mga Super Health Center sa buong bansa, lalo sa malalayong komunidad.

Ang mga ito ay inilaan sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para magtayo ng 307 SHC ngayong taon.



“Ito pong tinatawag na Super Health Center, mas malaki lang po siya sa rural health unit, mas maliit sa hospital. Halimbawa emergency cases, kasama ang panganganak, magagamot po kaagad at hindi n’yo na kailangan bumiyahe pa sa mga ospital sa siyudad kung magkakaroon na ng SHC malapit sa inyong lugar,” paliwanag ni Go.

Ang Super Health Centers ay mag-aalok ng mga serbisyo, kabilang ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray at ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit. Ang iba pa ay serbisyo sa mata, tainga, ilong at lalamunan (EENT); mga sentro ng oncology; physical therapy at rehabilitation center; at telemedicine, kung saan ang malayuang pagsusuri at paggamot sa mga pasyente ay maaari nang gawin.

“Sa tulong ng mga Super Health Centers, mas mapapalapit tayo sa ating layunin ng mas malusog at matatag na mga komunidad kahit saan mang sulok ng ating bansa,” ani Go.

Sa Bulacan, ipinangako ni Go na susuportahan niya ang pagtatayo ng mga Super Health Center sa Balagtas, Bulakan, San Jose del Monte City, Meycauayan City, Pandi, San Miguel, at Guiguinto.

Namahagi ang pangkat ni Go ng mga tulong sa mga nahihirapang Bulakeño sa Lungsod ng Malolos noong Biyernes, Oktubre 28. Isinagawa ang relief operation para sa 278 residente sa KB Gymnasium.



Bilang tagapagtaguyod din ng pagpapaunlad ng palakasan, nagbigay rin si Go ng mga bola para sa basketball sa mga piling indibidwal.

“Ang advocacy ko po ay health and sports. Para po sa ating mga kabataan, get into sports and stay away from drugs. Huwag po natin sayangin ang nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kampanya laban sa iligal na droga,” iginiit ni Go.

Isa ring pangkat mula sa Department of Social Welfare and Development ang namahagi rin ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation nito.

Sa kanyang mensahe, pinuri ng senador ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na patuloy na tumutugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan, lalo na sa mga panahong ito.

“Salamat po sa inyong sakripisyo sa panahon ngayon. Magtulungan lang po tayo. Huwag n’yo pong pabayaan ‘yung ating mga kababayang mahihirap po,” anang mambabatas.