Advertisers
INANUNSYO nitong Huwebes ng Social Security System (SSS) na mag-aalok ito ng Calamity Assistance Package (CAP) sa SSS members at pensioners na napinsala ng bagyong “Paeng”.
Sa abiso ng SSS, kwalipikado sa benepisyo ang lahat ng miyembro na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng “State of Calamity” na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng Sangguniang Bayan Panlungsod o Panlalawigan.
Kabilang sa CAP ang Calamity Loan Assistance Program na maaaring makautang ng hanggang P20,000 na babayaran sa loob ng 24 buwan.
Gayundin, ang tatlong buwan na advance pension para sa Social Security at Employees Compensation pensioners.
Nasa ilalim ngayon ng State of Calamity ang Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) base sa pinirmahang Proclamation No. 84 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Bukod pa sa apat na rehiyon, idineklara rin ang state of calamity sa 164 siyudad at bayan na grabeng tinamaan ng bagyong Paeng.