Advertisers
Nakumpiska sa 25 anyos na claimant ang tinatayang aabot sa P925 libong halaga ng high grade marijuana o Kush at liquid marijuana na nasa 45 pirasong vape cartridge sa Parañaque City.
Sa ulat ng BOC-Port of Clark, katuwang nito ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nang masamsam ang 588 gramo ng iligal na droga na natuklasan sa isang kargamento na may markang “sweater gifts” na dumating noong Oktubre 28 mula sa Culver City, California, USA.
Sumailalim sa physical examination at matapos ang X-ray examination kung sàan nagpakita ng kahina-hinalang bagay na kalaunan natuklasang mga high grade at liquid marijuana.
Kinumpirma naman ito ng PDEA kaya agad na nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad para sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, i & l (3 & 4) ng R.A. No. 10863 na may kaugnayan sa Section 4 ng R.A. No. 9165.
Nagsagawa ng controlled delivery operation ang Customs Anti-illegal Drugs Task Force, Enforcement Group, Intelligence Group, at PDEA noong Nobyembre 4 sa Parañaque City, na humantong sa pagkakaaresto sa 25 anyos na lalaki na claimant ng nasabing droga na nakatira sa Don Bosco, Paranaque City.(Jocelyn Domenden)