Advertisers
KINUMPIRMA ni Justice Secretary “Boying” Remulla na dalawang “masterminds” ang kabilang sa mga sasasampahan ng kaso ng Philippine National Police (PNP) at ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamaslang sa hard-hitting radio commentator at tabloid columnist na si Percy Lapid at ang pagkamatay ng isang middleman sa kaso na si Jun Villamor.
Sinabi ng Kalihim na unti-unti nang nabibigyan ng liwanag ang pagpatay kay Lapid.
Kaugnay nito, kinumpirma narin ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-deposit ng P550,000 sa account ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.
Ang perang ito ang sinasabing kabayaran kay Escorial kapalit ng pagpatay kay Lapid.
Ayon kay Remulla, ang kabuoang halaga na ito ay magkakahiwalay na idineposit sa loob ng tatlong linggo.
Posible rin aniyang may iba-ibang tao ang nag-deposit ng pera.
Nitong Lunes, Nob. 7, inaasahang maihahain ng PNP at ng NBI ang mga naturang reklamo.
Bago ito, una nang sinabi ni Remulla na mayroong mga malalaking personalidad na posibleng persons of interest sa kaso.
Hindi parin kinumpirma o dineny ng Kalihim kung sino ang mga ito.
Pero ayon sa abogado ng pamilya Mabasa, isang “Bantag” ang mastermind sa Lapid murder.
Ang suspended BuCor Director ay si Gerald Bantag na madalas upakan ni Lapid sa kanyang programang “Lapid Fire’ sa radio DWBL at vlog.
Samantala, iniuwi na nitong Sabado sa Leyte ang labi ng middleman sa krimen na si Jun Villamor. Mga kapwa niya inmates umano ang pumatay sa kanya sa pamamagitan ng pagsupot sa kanyang ulo.