Advertisers

Advertisers

Cholera outbreak sa iba’t ibang rehiyon sa bansa silip sa Senado

0 250

Advertisers

PINAIIMBESTIGAHAN sa Senado ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang cholera outbreak sa iba’t ibang rehiyon sa bansa na umabot na sa 3,729 mula noong Enero o may katumbas na 282 porsiyento na pagtaas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

“Hindi bababa sa 33 na katao na ang namatay sa sakit na ito ngayong taon at karamihan ay mga batang nasa edad na lima hanggang siyam na taong gulang. Higit sa pagtiyak sa mga dahilan, mas matimbang sa kasalukuyang sitwasyon ang pangangailangan na pagrepaso sa mga umiiral na patakaran upang maiwasan at mabawasan ang mabilis na pagkalat nito,” wika ni Estrada sa paghahain ng Senate Resolution No. 266.

Binanggit din ni Estrada ang ulat ng Global Task Force on Cholera Control (GTFCC) na nagsasabi na ang ganitong uri ng sakit na nakaaapekto sa pinakamahihirap at pinaka-mahinang sektor ng lipunan ay maiiwasan sa pamamagitan ng isang multi-sectoral approach. Ang paraang ito ay may kinalaman sa pagbibigay ng basic water, sanitation, at hygiene (WASH) services at oral cholera vaccines.



Ayon sa datos ng DOH, kumpara sa bilang ng naitalang 976 kaso ng sakit noong Enero hanggang Oktubre noong nakaraang taon, nasa 3,729 na ang bilang ng mga naitalang kaso sa parehong panahon ngayong taon. Karamihan sa mga naiulat na kaso ay mula sa Eastern Visayas, Davao Region at CARAGA.

Lumampas na ang Central Luzon, Western Visayas at Eastern Visayas sa epidemic threshold levels para sa cholera batay sa mga kasong naitala nitong sampung buwan na nakalipas.

Batay sa World Health Organization (WHO), ang cholera ay isang nakalalason na sakit mula sa pagkain o inumin na kontaminado ng bacterium vibrio cholerae at maaari itong magdulot ng matinding diarrhea sa mga bata at matatanda at maging sanhi ng pagkamatay kung hindi maaagapan ng kaukulang gamot. (Mylene Alfonso)