Advertisers
KAPIT-TUKO si Jomalig, Quezon Mayor Nelmar Sarmiento na bumaba sa puwesto sa kabila ng kautusan mula sa korte.
Sinabi ni Sarmiento na hindi siya aalis sa puwesto, sa halip kukunin niya ang payo ng kanyang abogado dahil hindi pa pinal at executory ang desisyon.
Nauna nang ipinag-utos ng korte kay Sarmiento na bumaba sa kanyang puwesto, mapayapang lisanin at i-turn over ang opisina ng alkalde kay Rodel Espiritu na siyang “tunay na nagwagi” noong Mayo 9, 2022 election.
Ang utos na may petsang Oktubre 28, 2022 at nilagdaan ni Judge Raymund Joseph Soroñgon, Regional Trial Court Branch 65, ng Infanta, Quezon, ay nagproklama sa election protestor na si Espiritu ang totoo na nahalal na alkalde ng munisipalidad ng Jomalig noong May 9 national/local elections.
Ipinag-utos din nito kay Sarmiento na agad lisanin ang opisina at bayaran kay Espiritu ang mga gastos sa election protest proceedings.
Ayon sa kautusan, nanalo si Espiritu ng 18 boto para sa kabuuang 2,167 boto laban sa 2,149 boto ni Sarmiento.
Sa kabilang banda, nagpasalamat si Mayor Espiritu sa korte sa pagpapasya nito pabor sa kanyang election protest.
Hinihiling ni Espiritu kay Sarmiento na igalang ang desisyon ng korte. Kung hindi, mapipilitan siyang humingi ng tulong sa pulisya para maipatupad ang desisyon.
Samantala, pumunta ang mga tagasuporta ni Sarmiento sa Jomalig municipal hall para sa isang prayer vigil, habang sabik ang mga residente ng Jomalig na binabantayan ang sitwasyong pampulitika ng kanilang bayan.
Isang maliit na munisipalidad ang Jomalig sa isla, na kilala sa mga world-class na beach nito.