Advertisers

Advertisers

Pamamahagi ng balikbayan boxes sa BOC nauwi sa tensyon!

0 143

Advertisers

NAGKAROON ng tensyon sa pamamahagi ng mga na-auction na abandonadong balikbayan boxes mula sa Bureau Of Customs (BOC) na nakatambak sa isang warehouse nang biglang ipatigil ang releasing nitong Sabado.

Nabatid na mahigit 100 consignees na kaanak ng mga nagpadalang overseas Filipino workers (OFWs) ang dumagsa sa FR Agbay Enterprises sa Hobart Warehouse Compound kungsaan nakalagak ang mahigit 3,000 balikbayan boxes na nakatakdang i-release tuwing araw ng Sabado.

Dakong 8:00 ng umaga ay puno na ng consignees ang harapang bodega sa Barangay Borol 1st, Balagtas, Bulacan upang makuha ang mga padalang balikbayan boxes, subalit inanunsyo ni Robert Uy, presidente ng FR Agbay Enterprises, na ipinatigil ng BOC ang isasagawang pamamahagi makaraang makatanggap ng memorandum na nag-uutos na ihinto ang releasing activity.



Dahil dito, nagalit ang mga tao dahil karamihan sa kanila ay umarkila ng sasakyan at nagmula pa sa malalayong lalawigan gaya ng Ilocos, Cagayan, Ilo-ilo, Eastern Samar, Laguna at iba pang probinsiya.

Nagbanta ang mga claimant na hindi sila papayag na hindi nila makukuha o maiuuwi ang mga inaasahang balikbayan boxes dahil sa karamihan sa mga ito ay Biyernes pa ng gabi nag-aabang at ang iba madaling-araw ng Sabado dumating.

Mahinahon na kinausap ni Uy at ng mga kasamahan nitong co-bidders ang mga tao upang hindi na humantong sa gulo kasabay ng pagpapaliwanag na hindi nila kagustuhan ang nangyari.

Agad nakarating kay Dir. Michael Fermin ng Internal Administration Office/ Trade Information Risk Analysis ng BOC ang kaganapan kaya agad nitong tinawagan si Uy at pinayagan ito na ibigay na ang mga bagahe sa mga taong dumating para maiwasan ang namumuong tensyon.

Ayon kay Fermin, base sa direktiba ni BOC Commissioner Yogi Felimon Ruiz, ang mga consignees na manggagaling sa NCR ay dapat mai-deliver ang balikbayan boxes sa loob ng isang linggo, two weeks kung sa Luzon at 2 to 4 weeks kung mula Visayas at Mindanao.



Sabi ni Fermin, sa mga susunod na linggo ay wala nang magaganap na pick-up scheme sa mga bagahe at ito ay ide-deliver na lamang sa kanilang address via door to door scheme.