Advertisers

Advertisers

BANTAG, ISA PANG OPISYAL NG BUCOR, AT ILANG BILIBID INMATES KINASUHAN SA LAPID MURDER

0 179

Advertisers

KINASUHAN na nitong Lunes ang suspendidong Bureu of Corrections (BuCor) Chief na si General Gerald Bantag, DSO Ricardo Zulueta, at iba pang Persons Deprived of Liberty (PDL) kaugnay sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid at middleman na si Jun Villamor.

Sa joint press conference kahapon, inanunsyo ang pagsampa ng murder cases laban kina Bantag at Zulueta bilang Principal by Inducement (mastermind) sa pagpatay kina Lapid at Villamor; habang Principal by Indispensable Cooperation laban kina Commander Labra ng Batang City Jail (BCJ), Alfie Peñaredonda ng Happy Go Lucky Gang, Aldrin Galicia ng Sputnik Gang at Denver Mayores, isa mga trusted aide ni Bantag.

Dawit din sa kaso ang ilang PDLs na nagtulong-tulong upang patayin si Villamor na umano’y “sinupot” base sa resulta ng autopsy report.



Sa joint report ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), nasa sampu katao ang nagbigay ng affidavit at direktang iniuugnay sina Bantag at Zulueta bilang mga mastermind sa krimen.

Pinatay si Lapid noong Oktubre 3, 2022 sa Las Piñas City. Umabot sa P6.5 milyon ang reward money at dahil dito ay sumuko ang self confessed gunman na si Joel Escorial na nakunan ng CCTV matapos barilin si Lapid. Isinuko rin nito ang baril na ginamit sa pagpatay kay Lapid na tumugma sa mga bala na nakuha sa katawan ng brodkaster.

Sa pagsuko ni Escorial ay itinuro nito ang middleman na si Villamor na siya umanong kumontak sa kanya upang patàyin si Lapid, subalit namatay din si Villamor sa loob ng kulungan at hindi na nakuhaan ng pahayag.

Samantala, lumantad ang babaeng kapatid ni Villamor na si “Marissa” at ipinakita ang chat messages nila noong Oktubre 8, 2022, ilang minuto bago ito matagpuang patay, kungsaan binanggit ang pangalan ng mga Commander sa loob ng NBP na nasa likod ng pagpatay sa kanya.

Sinasabing mismong mga kasama ni Villamor na Sputnik Gang members ang pumatay sa middleman upang hindi ito makapagsalita at hindi madawit sina Bantag at Zulueta.



Nabatid na tugma rin ang bank transactions mula Setyembre 15 hanggàng Oktubre 7, 2022 na aabot sa P550,000 sa pahayag ni Escorial.

Malinaw din umano ang direktang utos mula kay Zulueta papunta kay Mayores, papunta kay Labra at hanggang kay Galicia na patayin si Lapid. Dito umano sinend ni Zulueta ang video ni Lapid habang binabanatan si Bantag sa kanyang programa na ‘Lapid Fire’ sa radio DWBL.

Dito na lumabas ang motibo ni Bantag na balikan si Lapid dahil sa mga expose nito.

Una nang sinabi ni Bantag na hindi siya magpapakulong kahit na magkamatayan pa.

Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, maituturing na “95% closed” ang Percy Lapid case at mayroon pa silang ilang detalye na iniimbestigahan.(JONAH MALLARI)