Advertisers
NAKATAMBAK sa isang punerarya sa Alabang simula Disyembre ang 176 bangkay ng inmates mula sa New Bilibid Prison (NBP).
Napag-alaman na ang Eastern Funeral Homes lamang ang accredited funeral home ng Bureau of Corrections sa Muntinlupa City. At umaapela ito sa pamahalaan na mailibing na ang mga bangkay upang lumuwag ang kanilang storage.
Ayon sa manager ng punerarya na si Charlie Bucani, karaniwang ikinamatay ng inmates na dinadala sa kanila ang ‘natural deaths’ pero tapos narin, aniya, ang kanilang autopsy.
Ang mga namamatay umano sa COVID ay pinapa-cremate na ng NBP.
Ayon pa sa ulat, kada buwan may 50 hanggang 60 labi ang dinadala sa kanila kabilang na rito ang umano’y middleman sa pagpatay kay Percy ‘Lapid’ Mabasa na si Cristito Villamor Palaña .
“Katulad ngayon isa lang namatay, kahapon isa rin. Halos isa, dalawa ganon. Di naman lahat ng araw may namamatay po eh,” ayon kay Bacani.
Sa panig naman ng Department of Justice (DoJ), sinabi ni Justice Secretary Crispin Jesus “Boying” Remulla na iimbestigahan ng otoridad ang dahilan ng pagkamatay ng inmates.
Ayon kay Remulla, ikinagulat ng mga imbestigador at ng NBI nang magsagawa ng autopsy sa punerarya nang makita ang 30 bangkay sa loob ng Eastern Funeral Homes.
“This is now being studied by the police. We want to know how all these people died. The cause of death and the facts surrounding their deaths. But the rest of the organization we cannot tell now. We will study it. We can know how long this has been going on,” sabi ni Remulla.
Sinabi pa ni Bacani na may request na sila sa BuCor na dapat nang ilibing ang 126 unclaimed cadavers.
“Dapat nitong buwan na po. Wala na po nag-claim. Lapsed na po sila. Kumbaga, overdue na po sila,” dagdag ni Bacani.
Dahil dito, hiniling ni Bacani sa pamahalaan na maihatid na sa huling hantungan ang naturang bangkay ng inmates.(JOCELYN DOMENDEN)