Advertisers
NITONG LUNES, November 7, isinampa ng Department of Justice (DoJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga reklamo laban kina suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, isa pang BuCor official, at 10 bilanggo (persons deprived of liberty) kaugnay ng pagpatay sa hard-hitting radio commentator at newspaper columnist na si Percival Mabasa (Lapid) at Jun Villamor, ang middleman sa Lapid murder.
Pero ang isa sa umano’y masterminds na si BuCor Directorate for Security and Operations, Superintendent Ricardo Zulueta, ay nagtatago na.
“I’m calling out to Zulueta. Zulueta, sumuko ka na. Just like ito no’ng una, sumuko itong gunman because of fear his life. Hindi malayong mangyari sa ‘yo ito, so you think things over,” babala ni DILG Secretary Benhur Abalos.
Nanawagan din si Abalos sa mga taong may alam sa kinaroronan ni Zuleta na ipagbigay-alam ito sa kanya.
“So again, I plead to Zulueta to just surrender right now. Just like the gunman who surrendered, napag-isipan niya na in danger ang buhay niya,” apela ni Abalos. “And I’m asking each and everyone who’s watching right now to give any information the whereabouts of Zulueta. Napaka-importante po niya rito.”
Si Zulueta ay nag-AWOL (absent without leave) simula nang ibunyag ng sumuko na gunman na si Joel Escoliar sa kanyang affidavit noong November 4 na isang “Bantag” ang nag-utos sa kanila para likidahin si Lapid.
Sabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Medardo de Lemos, si Zulueta ay nagtatago na.
“Nag e-exert ng effort ang NBI para ma-locate si Zulueta and we were informed he went AWOL. Wala na siya pero hindi humihinto ‘yong efforts to locate him,” sabi ni De Lemos.
Ito rin ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rodolfo Azurin: “As mentioned earlier, si Mr. Zulueta, he has into hiding a few days ago pa po.”
Si Bantag naman, sinabi ni Azurin na hindi na nila ito matukoy kung nasaan. Pero mino-monitor na nila ito.
“Si General Bantag naman, wala pa naman siyang warrant of arrest kaya mino-monitor lang natin para malaman natin later on kung nasaan ang kanyang whereabouts,” sabi ni pa ni Azurin.
Sina Bantag at Zulueta ay naging magkasama simula 2016. Jail warden noon si Bantag sa Parañaque City Jail, habang si Zulueta ay Senior Jail Officer 2. Nakasuhan pa sila ng homicide nang magkaroon ng pagsabog sa loob ng city jail kungsaan 10 bilanggo ang nasawi sa pagsabog ng granada sa gitna ng umano’y nagkakagulong mga preso.
Sa pagkasuspinde ni Bantag sa BuCor, sinuspinde rin ng bagong BuCor chief na si Gregorio Catapang ang mga appointee ni Bantag dahil umano sa paglabag sa Civil Service Commission (CSC) memorandum.
“When the order of the President was effected on October 21, 2022 and Director-General Bantag was suspended and General Catapang Jr. stepped in on October 24, 2022, the latter immediately suspended all of Director General Bantag’s people,” sabi ng DOJ at DILG.
“It was found that DG Bantag’s people were from BJMP. They were absorbed from BJMP into BuCor and were given very high ranks despite their low ranks in BJMP,” sabi nila.
Ayon sa mga awtoridad, ang ginawa ni Bantag ay paglabag sa item 15 ng CSC Memorandum Circular No. 3, series of 2001, na nagbabawal sa promotion ng government employee sa isang position ng higit 3 grades higher sa dati nitong posisyon na may kinalaman sa salary, pay, o trabaho.
Bilang dating jail officer, si Zulueta ay nagtrabaho sa BJMP bago napunta sa BuCor sa ilalim ni Bantag at ginawa agad hepe ng DSO ng BuCor na may rangkong Superintendent (Colonel).