Advertisers
INIHAYAG ng Manila Electric Company (Meralco) na nagbabadyang tumaas ang singil sa kuryente sa paparating na November bill.
“Posibleng pataas pero hindi masyado ang adjustment na pataas. Na-mitigate ang impact sa spot market pero ‘yong fuel cost na mataas pa rin at mahina peso will be the main determinants,” sabi ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga nitong Martes.
Gayunman, dapat ding paghandaan ng mga konsumer ang dagdag-singil sa mga susunod na taon dahil naging pinal na ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa mas mataas na generation charge noon pang 2013.
Nasa lagpas P3 kada kilowatt hour ang estimated na dagdag-singil noong panahong iyon dahil sabay-sabay pumalya ang maraming planta sa maintenance shutdown ng Malampaya facility.
Dahil dito, sumirit ang presyo ng kuryente sa spot market pero hindi naipasa noon sa mga konsumer dahil ipinatigil ng korte.
Tiniyak naman ng Meralco na hindi ura-uradang ipatutupad ang dagdag-singil.
Kinumpirma ng Energy Regulatory Commission (ERC) na may mga hakbang para mabawasan ang dagok sa mga konsumer.