Advertisers
NAUWI sa madugong trahedya ang isang kasalan nang paulanan ng bala ng baril apat na bisitang natutulog nitong Martes ng madaling-araw sa Lamitan city, Basilan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Gappal Mustapa Pagil; Ardayan Dammang Amoto, 16 anyos, kapwa residente sa Barangay Baas; at isang alyas Tarzan na kilalang tagasunod ni Abu Sayyaf sub-leader Abaas Jangkatan.
Ayon kay Lamitan City Police chief, Colonel Arlan Delumpines, sangkot si Tarzan sa isang engkwentro noong September 15 na ikinamatay ng tatlong sundalo ng 18th Infantry Battalion sa Magcawa village, Al Barka, Basilan.
Habang ang pang-apat na bangkay ay tumangging pangalanan ng kaanak dahil sa gagawing imbestigasyon ng pulisya, at sugatan naman ang isang Muafiz S. Tamudjul, 18, ng Ungkayapukan.
Sa report ng pulisya, 3:00 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga biktima nang dumating ang mga salarin na armado ng matataas na kalibre na baril at pinagbabaril ang mga ito.
Sinabi ni Delumpines na mga bisita ni Jaida Amunah Mukaddani ang mga nasawi, na isa sa mga magulang ng bagong kasal.
Nagpasyang matulog na lamang ang ilang bisita sa lugar kungsaan ginanap ang seremonya ng kasal dahil hatinggabi na natapos ang selebrasyon.
Nagtamo ng mga tama sa ulo at iba pang parte ng katawan ang apat na biktima.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar, nakapulot sila ng higit sa 16 basyo ng 5.56 mm caliber at isang M16 baby armalite na 29 bala.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.