Advertisers
Parang nakasakay sa tsubibo ang mga guro ng Pancian Elementary School sa lakas ng hiyawan habang tinatawid ang parte ng Manila North Road KM 578+800 sa Sitio Bangkerohan, Brgy. Pancian, Pagudpod, Ilocos Norte.
Ngunit hindi sila sa tsubibo nakasakay kundi sa isang backhoe na naghahakot ng lupa sa kalsada dala ng landslide sa lugar.
Oktubre 25 nang ipadala ni Mark Anthony Martinez Rangasan ang mga video habang naglalakad siya at iba pang co-teachers sa parte ng Manila North Road dahil wala pang sasakyang makadaan sa kalsada bunsod ng landslide.
Sa video ang ibang guro na nakisakay sa backhoe para makalipat sa parte ng kalsadang hindi apektado ng landslide.
Sa video naman noong Oct. 27 na isa pang guro na si Niel Ferreras, makikita ang ilang estudyanteng naglalakad sa kalsadang apektado ng lanslide para makapasok sa paaralan.
Ayon kay Ferreras, natatakot man silang dumaan sa lugar kailangan nila itong gawin dahil sa tawag ng tungkulin.
“Kahit gaano kahirap, we need to sacrifice ourselves para sa learners,” aniya.
Sabi ni Engr. Robert Rabago, hepe ng maintenance section ng Department of Public Works and Highways – Ilocos Norte 1st District Engineering Office, ang suspetsa nila ay na-trigger ang landlide ng una at ikalawang lindol na tumama sa norte nitong July 27 at Oct. 25.
Aniya, dala na rin marahil ang landslide ng sunod-sunod na malalakas na bagyo na tumatama sa norte kamakailan.
Sabi ni Rabago, na tuloy-tuloy ang clearing operations ng DPWH sa lugar.
Sa katunayan, aniya, nasa level na ng regional pavement ang natatapos nila. Kung walang makikitang road cut o nasirang pavement matatapos na ang clearing operations.
Sa post ng DPWH Region 1 Ilocos Region nitong Nov. 6, sinabi ng ahensya na two lanes na ang passable para sa lahat ng klase ng sasakyan.