Advertisers

Advertisers

MGA TAGA-CALATAGAN, BALAYAN, INAYUDAHAN NI BONG GO

0 202

Advertisers

Matapos bumisita sa bayan ng Calatagan para saksihan ang inagurasyon ng Super Health Center at personal na magbigay ng tulong sa mga biktima ng bagyong Paeng, tumuloy si Senator Christopher “Bong” Go sa Balayan, Batangas upang pangunahan din ang isa pang serye ng relief operations para sa mga mahihirap na residente nito.

Sa kanyang talumpati, muling iginiit ni Go ang kanyang pangako na itutulak ang mas maraming oportunidad para sa mga mahihirap na Pilipino, lalo na sa gitna ng pandemya.

Pinuri niya ang kanyang mga kapwa Batangueño sa pananatiling optimistiko sa mga panahong ito ng hamon.



“Ako po’y may dugong Batangueño. Tesoro po ako, Christopher Lawrence Tesoro Go. Pero ‘yung dugo ko po ay nananatiling Batangueño. Kaya sabi nga ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte, ‘pag pinagsama mo ang Batangueño at Bisaya, ‘yan po ‘yung dugong matapang at mayroong malasakit sa kapwa. Iyan po ang tapang at malasakit, mga Batangueño.”

“Gusto kong pasalamatan kayong lahat sa ibinigay n’yo pong tulong at suporta… Huwag ho kayong magpasalamat sa akin. Sa totoo lang po, ako po ay dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo po ako ng pagkakataon na magserbisyo po sa inyo. Hinding-hindi ko sasayangin ang pagkakataong ‘yan. Magseserbisyo po ako sa inyo sa abot ng aking makakaya,” paniniyak niya.

Nagbigay si Go at ang kanyang koponan ng mga grocery packs, pagkain, bitamina, masks, at kamiseta sa 1,362 mahihirap sa Balayan Government Center at Old Municipal Hall. Nagbigay rin siya ng mga cellular phone, payong, relo, at sapatos sa mga piling indibidwal.

Samantala, bilang isang masugid na tagapagtaguyod ng sports development at bilang chair ng Senate committee on sports, nagbigay si Go ng mga bisikleta, bola para sa basketball at volleyball sa mga piling benepisyaryo.

“Gusto ko pong engganuhin ang mga kabataan to get into sports, stay away from drugs. Isang paraan po ‘yon na ipagpatuloy po natin ang kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad. Ayaw ko pong sayangin ang naumpisahan ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte. Kaya tulungan n’yo po kami. Engganyuhin po natin ang mga kabataan to get into sports, stay away from drugs po,” himok ni Go.



Bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng gobyerno na pagaanin ang masamang epekto ng pandemya, ang isang pangkat mula sa Department of Social Welfare and Development ang nagbigay din ng tulong pinansyal sa 851 benepisyaryo habang ang Department of Labor and Employment ay nagbigay ng livelihood support sa 511 iba pang kwalipikadong indibidwal.

Nag-alok din si Go ng karagdagang tulong sa mga benepisyaryo at kanilang mga pamilyang nangangailangan ng pangangalaga sa ospital. Hinikayat niya silang bumisita sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery at Batangas Medical Center sa Batangas City kung saan may mga Malasakit Center na magagamit.

Pinasimulan ni Go matapos niyang masaksihan ang pakikibaka ng mga Pilipinong may kakulangan sa pananalapi, ang programa ng Malasakit Centers ay isang one-stop shop kung saan ang mga mahihirap na pasyente ay maginhawang makakukuha ng tulong medikal mula sa DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang 152 nakatindig na Malasakit Centers sa ngayon ay nakatutulong na sa milyun-milyong Pilipino sa buong bansa.

Alinsunod sa kanyang pangako na gawing mas accessible ang mga serbisyong pangkalusugan, sinuportahan din ni Go ang pagtatayo ng mga Super Health Center sa Agoncillo, Lipa City, San Pablo City, San Pascual, Taysan, Ibaan, at Calatagan.

Sa layuning bawasan ang occupancy sa ospital at ilapit ang pampublikong pangangalagang pangkalusugan sa mga nangangailangan, ang Super Health Centers ay mag-aalok ng mga serbisyong pangkalusugan kabilang ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), parmasya at ambulatory surgical unit. Ang iba pa ay serbisyo sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), oncology center, physical therapy, rehabilitation center at telemedicine, kung saan isasagawa ang pagsusuri at paggamot sa mga pasyente.