Bantag sa mga nadiskubreng hayop sa Bilibid: “Ang kabayo panghabol sa mga bilanggo, ang ahas pamgontra sa daga”
Advertisers
NAGPALIWANAG si suspended Bureau of Corrections chief Gerald Bantag kaugnay sa mga hayop na nadiskubreng inaalagaan sa New Bilibid Prison (NBP).
Ito ay ang mga kabayo, manok na panabong at sawa.
Depensa ni Bantag kaugnay sa mga kabayo, ginagamit raw ang mga ito na pamalit sa all-terrain vehicle (ATV) na panghabol ng mga tauhan ng Bilibid sa tatakas na inmates.
“Basta ‘yung kabayong ‘yun, trinining namin ‘yung mga tauhan namin para gamitin ‘yung horseback riding patrol. Kapag mayroon tumatakas, panghabol sa kanila unlike sa ATV na mahal,” paliwanag ni Bantag.
Samantala, ang mga ahas naman daw ay “pest control” nila.
“Ang daming daga, ang lalaki. Nilagay namin sa silong para kainin niya ‘yung mga daga, pest control kumbaga,” saad niya.
Nagpahayag naman ng pagdududa si Bantag sa pagkakakumpiska ng mga kontrabando, kabilang ang libo-libong beer in cans, sa loob ng NBP sa ilalim ng bagong pamunuan ni BuCor OIC Gregorio Catapang.
Tinawag niyang “magician” si Catapang dahil sa mga accomplishment na ito samantalang kakaupo lamang nito sa puwesto.
“Pagdating niya doon meron kaagad siyang accomplishment. So, sino pa ang magpapasok doon kundi sila,” saad niya.