Advertisers
BACONG, NEGROS ORIENTAL – Patuloy ang isinagawang manhunt operation laban sa isang person under police custody (PUPC) nang makatakas sa detention cell ng Bacong Police station sa Negros Oriental noong Miyerkules ng madaling araw, Nobyembre 16.
Kinilala ang tumakas na si John Mike Padios Olitres alyas “Tata Vendetta”, 34 anyos at isang construction worker.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nang suriin ng custodial officer, 5:30 ng umaga ang selda nakita nalang na bukas na ang pintuan at wala na si Olitres.
Posible pang nagawang buksan ng preso ang pinto dahil mukhang hindi ito naka-padlock at naisara nang maayos base sa kuhang CCTV footage.
Una nang naaresto si alyas Tata Vendetta noong Oktubre ng kasalukuyang taon dahil sa kaso ng ilegal na droga.
Nakipag-ugnayan na ngayon ang Bacong PNP sa lahat ng pulisya sa buong lalawigan, lalo na sa pulisya sa Cebu partikular sa bayan ng Samboan, Santander, Argao, Dalaguete, Sibonga at iba pang mga police stations na may daungan.
Samantala, nangako naman si Police Regional Office-7 Director PBGen Roderick Augustus Alba na managot ang dapat managot at paiimbestigahan niya ito upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.