Advertisers
UMABOT sa P149.6 million halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang mini shabu laboratory sa Muntinlupa City nitong Biyernes ng madaling araw.
Nadakip sa operasyon sina Aurelien Cythere, 41 anyos, French national, ng 304 Mabolo Street, Ayala-Alabang Village, Muntinlupa City; Mark Anthony Sarayot, 42, Filipino, negosyante, ng 23 Cabbage Street, Valle Verde 5, Barangay Ugong, Pasig City; at Ariana Golesorkhi alias “Kano”, 33, Canadian national, ng 523 Madrigal Avenue, Ayala Alabang.
Ayon kay PDEA Director General Gregorio R. Pimnetel, 12:30 ng umaga nang salakayin ng pinagsanib na mga elemento ng PDEA RO-NCR Southern District, PDEA IS, PDEA RSET 1 & 2, PDEA SIU, PDEA SES, BOC CAIDTF, BOC-CIIS MCP, AFP, NAVY at NICA ang shabu laboratory sa 304 Mabolo Street.
Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba base sa search warrant #22-006 na ipinalabas ng korte.
Nasamsam ng mga operatiba kina Cythere at Sarayot ang 20 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P136 million, mga chemical, kagamitan at makina sa paggawa ng shabu, ilang ID, 3 cellphones at financial documents.
Nadakip naman si Golisorkhi sa kalapit nitong mala-mansyon na bahay. Nasamsam rito ang 2 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 million at iba’t ibang uri ng laboratory equipments, identification card, at 5 mobile phones.
Sinabi ni Pimentel na hindi maamoy ang mga nasamsam sa paligid dahil gumagamit ang mga nadakip ng mga makabagong kagamitan at paghuhugas ng shabu sa acetone.
Aniya, mayroon kaugnayan ang nasabing grupo sa Mexican, Australian at Canadian drug trafficking groups.(Mark Obleada)