Advertisers
INANUNSYO ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance na posibleng palawigin hanggang sa susunod na taon ang libreng ridership program ng Department of Transportation (DOTr) dahil kasama sa panukalang 2023 budget ang pondo para rito.
Ito ang tugon ni Angara nang hingan ng komento kaugnay sa apela sa pamahalaan na ipagpatuloy ang Libreng Sakay sa taong 2023.
“Alam ko tuloy ho ‘yun. Nasa budget ho ‘yung para sa Libreng Sakay. Dinagdagan din po nila… Ang head ho niyan sina Senator Grace Poe,” pahayag ni Angara sa panayam ng dzBB.
Matatandaang noong Agosto, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Mark Steven Pastor na humiling ang DOTr ng P12 bilyon parasa pagpapatuloy ng programa sa 2023 na nagbibigay ng libreng sakay sa mga commuter at nagbibigay ng insentibo sa mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV).
Gayunpaman, sinabi niya na hindi ito kasama sa National Expenditure Program (NEP).
Ipinaliwanag naman ni Budget Undersecretary for Media Affairs, Community Relations, and Internal Audit Goddes Libiran na ang service contracting program ay isang non-recurring o one-time expenditure item.
Ang Libreng Sakay program ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay inilunsad noong huling bahagi ng 2020 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act upang matulungan ang mga commuter at ang mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon na apektado ng pandemya. (Mylene Alfonso)