Advertisers

Advertisers

PBBM NABIGYAN NG REGALO SA SAUDI ARABIA SA APEC: 10K OFWs MABABAYARAN!

0 240

Advertisers

MALAKI ang nakuhang puntos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Thailand nang ihayag ni Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman na sasagutin ng kanyang gobyerno ang hindi pa nababayarang suweldo ng humigit-kumulang sa 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nagtrabaho sa construction companies sa Saudi na nagdeklara ng pagkabangkarote noong 2015 at 2016.

“Napakagandang balita talaga. At pinaghandaan talaga tayo ni Crown Prince. Kaya’t sabi niya ‘yung desisyon na ‘yan ay nangyari nitong nakaraang ilang araw at dahil nga magkikita kami at sabi niya ito ‘yung regalo ko para sa inyo,” pahayag ng Pangulong Marcos sa anunsyo ng Saudi Arabia.

Ayon sa Pangulo, napag-usapan nila ng Crown Prince ang mga OFW na patungo sa Saudi Arabia at iba pang oportunidad para sa pamumuhunan.



Sinabi ng Pangulo na tiniyak din ng Labor mi-nister ng Saudi Arabia na hindi na ito mauulit sa mga manggagawang Filipino na pupunta sa kaharian.

Ayon sa punong ehekutibo, magkakaroon din ng insurance system para sa mga manggagawa.

“Sila mismo ang magbibigay ng insurance kung sakali man mangyari ulit ‘yan na malugi ‘yung korporasyon na tinatrabahuhan nila at hindi nila makuha ang kanilang sahod, ‘yung insurance ang magbabayad. So marami rin talagang tinutulungan sa atin ang pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia,” sabi ng Pangulo.

Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na ang mga construction companies na nagdeklara ng bankruptcy noong 2015 at 2016 at hindi nagbayad sa mga manggagawang Filipino ay kinabibilangan ng Saudi OGer, MMG, at Bin Laden group.

“Ang Crown Prince, His Royal Highness, ay nag-anunsyo at sinabi na ito ang kanyang regalo – talagang pinaghandaan niya ito at ito ay isang kasunduan na naabot ng gobyerno ng Saudi ilang araw lamang ang nakalipas,” sabi ni Ople, na tinutugunan ang pahayag ng Pangulo.



“Kaya naglaan sila ng dalawang bilyong Riyal para matulungan ang mga displaced na manggagawa. Kaya ito ay talagang magandang balita at nagpapasalamat kami sa Saudi Arabia,” pahayag ni Ople.