Advertisers
NATUSTA sa loob ng sasakyan ang isang lalaki nang barilin at sunugin sa Roxas City.
Sa report ng Roxas City Police Station, natagpuan ang Mitsubishi Pajero (XAM 778) na nasusunog at tustado narin ang katawan ng isang lalaki na hindi tinukoy ang tunay na pagkakilanlan sa bahagi ng Mabini at Mejorada Sts., Barangay Inzo Arnaldo Village, Roxas City.
Kuwento ni Barangay Kagawad Ervin Sicad, nakarinig siya ng mga putok ng baril sa nasabing lugar. Tinungo niya ito at nakita ang nagliliyab na sasakyan habang nasa loob ang isang lalaki.
Sa pagresponde ng pulisya, naabutan ang sunog na sunog na mukha at katawan ng biktima.
Ayon sa pulisya, ang sasakyan ay pag-aari ng pamilya Fria na nabili nitong nakaraan taon kay Barangay Kagawad Rene Barrios.
Kinumpirma ng kaanak na walang ibang nagmamaneho ng sasakyan kundi si John Arana Fria, 27 anyos, ng Brgy. Pinamalatican, Sigma, Capiz, at naninirahan sa San Roque St, Roxas City.
Nabatid na ang tiyuhin ni John ang nakabili ng sasakyan na kasalukuyan nasa Sweden.
Hinihintay na lamang ang resulta ng post mortem examination sa bangkay ng biktima para matukoy ang tunay nitong pagkakakilanlan.
Inaalam narin ng pulisya ang motibo sa krimen.