Advertisers
TINANGGAP na ng kampo ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang subpoena laban sa kanya patungkol sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at ng itinuturong middleman na si Jun Villamor.
Si Atty. Rocky Balisong, abogado ni Bantag, ang tumanggap ng subpoena mula sa Department of Justice.
“Nakita naman natin, ni-receive na namin ang subpoena. ‘Yung subpoena for our client, General Gerald Bantag,” sabi ni Balisong.
Si Bantag ang itinurong isa sa mga utak ng pagpatay kina Lapid at Villamor at naha-harap sa reklamong ‘murder’.
Sinabi ni Balisong na titingnan pa nila kung mapagbibigyan si Bantag na hindi muna makadalo sa pagdinig.
“Yeah, puwede. Depende kasi sa mangyayari sa Wednesday. Kung magsa-submit kami ng counter affidavit and the panel requires that it should be subscribed before them then isasama namin siya,” aniya.
“Pero titignan namin kung pwede naman na ipa-subscribe sa other prosecutors… Siguro hindi na kailangan isama,” dagdag pa.
Sinabi ni Balisong na handang handa naman si Bantag na humarap sa imbestigasyon.
Nang matanong tungkol sa subpoena na ipadadala sana sa Caloocan, sinabi ni Balisong na wala silang nakitang ganoon.
“Oo, sabi kasi nila they’ll serve ‘yung subpoena sa Caloocan. Kaya chineck namin ‘yung sinerve na subpoena. So as far as we’re concerned, there is no such subpoena which has been served to our client in Caloocan,” ani Balisong.
Dagdag pa abogado, gustong-gusto na sumama sa kanya ni Bantag sa pagkuha ng subpoena sa DOJ.
“Yes, gustong gusto niya. Kahapon gustong gusto niya sumama. At we told him kahit hindi na kasi kukunin lang namin ang subpoena. We are armed with the special power of attorney naman.”