Advertisers
NAGKAGUTAY-GUTAY ang katawan ng isang trabahador nang sumabog ang acetylene tank sa isang construction site sa Barangay Gregorio, Trece Martires City, Cavite, Martes ng umaga.
Kinilala ng Trece Martires City Police Station ang nasawi na si Eddie Boy Villar, na naputulan ng paa at braso sa lakas ng pagsabog. Sugatan naman sina Jason Reyes, Valentin Dimailig at Ian Nacap na kasalukuyang ginagamot sa Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital.
Si Villar ang nagpuputol ng mga bakal gamit ang acetylene nang maganap ang pagsabog.
Ayon sa report, sobrang lakas ng pagsabog. Inakala pa ng mga pulis na gasolinahan ang sumabog gayong may layo silang halos isang kilometro sa pinangyarihan.
Nakapinsala ng isang SUV at isang kotse ang pagsabog nang matalsikan ng debris ang mga ito, habang basag ang mga glass windows ng kalapit na gusali.
Sa isang Facebook post, kinumpirma ni Mayor Gemma Buendia Lubigan ang insidente. Sinabing nangyari ito 11:40 ng umaga ng Martes, Nobyembre 22.(Mark Obleada)