Advertisers
NASAGIP ang limang babae kabilang ang dalawang menor de edad na ibinubugaw sa prostitusyon sa Bulacan.
Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTD) ang umano’y bugaw na si Mark Abucay.
Nasagip ng mga awtoridad sa operasyon ang limang babae, kabilang ang dalawang dalagita.
Nabatid na inilalako ni Abucay ang mga biktima gamit ang tila ‘online menu’ na makikita ang litrato ng mga babae.
“Kapag may nagustuhan ang customer, parang nagkakaroon ng drive-thru. Dinadaanan ng customer ang mga victim sa isang lugar at dinadala ito sa hotel,” pahayag ni NBI spokesperson Atty. Gisele Garcia-Dumlao.
Inaalam pa ng NBI ang ibang kasabwat ni Abucay sa sex trafficking group na nag-o-operate sa Bulacan.
Nahaharap si Abucay sa paglabag sa ‘Online Sexual Abuse and Exploitation of Children, Expanded in Trafficking in Persons Act’ at ‘Child Abuse Law’.