Advertisers
APRUBADO na sa Senado ang P5.268 trilyong national budget para sa taong 2023.
Ito ay matapos ang isinagawang marathon hearings sa committee level at interpelasyon sa plenaryo, aprubado na ang Senate version ng 2023 General Appropriations Bill sa ikato at huling pagbasa sa botong 21-0-0.
Inilarawan ni Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara ang panukalang badyet sa 2023 na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga tao sa post-pandemic, pagtiyak sa food security, muling pagbuhay sa edukasyon at paghahanda ng bansa para sa mga epekto ng climate change at iba pa.
“Sa ilalim ng 2023 budget ay magkakaroon pa din ng ayuda para sa ating mga kababayan pero hindi na ito tulad ng nakaraang ayuda kung saan ay halos lahat ng tao ay nabigyan ng pera. Ngayon pili na sektor na ang bibigyan ng tulong at naka base ito sa bigat ng pangangailangan at naging epekto ng pandemya sa kanila,” wika ni Angara.
Kabilang dito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Protective Services to Individuals in Crisis Situations, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD) at ang Sustainable Livelihood Program.
Bagama’t bumaba na ang COVID-19 cases sa bansa, tiniyak pa rin sa ilalim ng 2023 budget na makatutugon pa rin ang gobyerno sa patuloy na banta ng pandemya at mapalakas ang health system.
Tiniyak din ng Senado na patuloy na susuportahan ang Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health at makakatanggap ng karagdagang pondo ang iba’t ibang ospital na pinapatakbo ng DOH, kabilang ang National Children’s Hospital.
Naglaan din ng pondo upang bigyang daan ang pagtatatag ng mga specialty hospitals sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Habang ang Philippine Health Insurance Corporation ay makakatanggap ng malaking halaga para suportahan ang Benefit Package Improvement nito sa ilalim ng Universal Health Care Law.
“Ang pondong ito ay pwedeng gamitin sa pag-expand o paglaki ng coverage para sa dialysis, mental health outpatient services, z-benefit packages, severe acute malnutrition at iba pang mga outpatient benefits tulad ng libreng konsulta, libreng lab tests at diagnostic services, gamot at mga emergency medical services,” paliwanag ni Angara.
Para sa mga miyembro ng public transport sector, patuloy na magbibigay ng fuel voucher sa mga operator at driver.
Maging sa mga magsasaka at mangingisda ay tatanggap pa rin sila ng fuel assistance sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Samantala, maglalaan naman ng pondo para sa mga estudyante partikular sa mga mahihirap kabilang ang Universal Access to Quality Tertiary Education Program; Senior High School Voucher Program; Education Service Contracting for Junior High School; Student Financial Assistance Programs; Joint Delivery Voucher for Senior High School Technical-Vocational-Livelihood Track; at Private Education Student Financial Assistance.
“Para sa ating mga senior citizens at bilang pagpapatupad na rin ng bagong batas na RA 11916 kung saan ay tinaasan natin ng 100 percent ang pension ng mga mahihirap na lolo at lola natin, may dagdag na pondo na nakalagay sa unprogrammed appropriations para mabigyan sila ng kaunting suporta para sa kanilang gastusin,” saad ni Angara.
Isasagawa aniya ang bicameral conference committee meetings bukas araw ng Biyernes upang mapagkasunduan ang mga hindi tugmang probisyon na inilatag sa pagitan ng Kamara at Senado. (Mylene Alfonso)