Advertisers
SA botong 254, inaprubahan na ng Kamara sa 3rd and final reading ang House Bill No. 5 na nagmamandato para gawin nang onsite, in-city, near-city o off-city ang mga relokasyon na ibinibigay sa mga informal settler families o ISFs.
Ayon kay Rep. Yedda Marie Romualdez, ng Tingog Partylist, sa pamamagitan nito, matutugunan na ang problema sa pabahay sa lungsod at mapangangalagaan pa ang karapatan ng mga maralitang Pilipino.
Ayon kay Romualdez, na siyang chairperson ng House committee on accounts, na nakasaad sa panukalang ito na dapat nang ituring bilang mga stakeholders ang mga informal settlers at hindi lamang mga benepisyaryo ng resettlement project ng gobyerno.
Sinabi ni Romualdez na mahalagang ma-empower ang mga informal settlers upang maging katuwang ng gobyerno sa pagpaplano at pamamahala ng kanilang sariling resettlement area.
Sa ganitong paraan, masisigurong naaayon sa kanilang mga pangangailangan ang mga ipatutupad na hakbangin ng pamahalaan.
Base sa 2017 statistics, aabot sa 51% ng mga informal settler sa Pilipinas ang matatagpuan sa mga lugar na malapit sa panganib at 39% ng kabuuang household sa Metro Manila ang itinuturing na informal settler families. (Henry Padilla)