Advertisers
ANIMNAPUNG (60) mga labi ng bilanggo na hindi nakuha ng mga kamag-anak ang inilibing ng Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prison Cemetery.
Ang mga nasabing bangkay ay matagal nang nakatengga at walang kumukuha sa isang punerarya sa Muntinlupa City. Ang ilan sa mga ito ay 11 buwan nang nakatengga lang.
Alas-3:00 ng madaling araw nang magpunta ang mga tauhan ng BuCor sa punerarya upang kuhanin ang mga bangkay at 7:00 ng umaga nang inilibing ito.
Noong Nobyembre 9, nasa 10 bangkay ng mga bilanggo ang inilibing ng BuCor matapos madiskubre ang nasa 176 unclaimed na mga bangkay ng person deprived of liberties (PDLs) na nakatambak sa morgue ng punerarya. Ito ang bilang ng mga nasawing PDL mula Disyembre 2021.
May protocol ang BuCor hinggil sa mga bangkay na hindi kinukuha. Kapag lumagpas ito ng 90 araw at wala pa rin kumukuha, ililibing na ito sa NBP Cemetery.
Nabanggit noon ng BuCor officer-in-charge na si Gregorio Catapang na kaya natatambak ang mga bangkay ng PDLs marahil sa kakulangan ng maayos na sistema o kaya’y hindi kaagad naabisuhan ang mga kamag-anak.
Sa kasalukuyan, wala pang malinaw na datos kung ilan ang hindi pa nakukuha na bangkay sa punerarya lalo na’t labas-pasok ang mga bangkay dito.