Advertisers
ISANG himala ang nangyari sa isang tricycle drayber sa Bauan, Batangas nang makaligtas ito matapos siyang barilin sa ulo pero hindi lumusot ang bala sa kanyang bungo.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Marvin Castillo, 32 anyos, residente ng Barangay San Teodoro, Bauan.
Ayon sa pulisya, tatlong beses malapitang pinaputukan ng gunman ang biktima gamit ang kalibre .38 na pistola.
Sa isang larawan, makikita ang isang bala na nakatusok sa ulo ng biktima bago ito isugod sa pagamutan.
“Sa kabutihang palad po siya naman ay hindi nagtamo ng fatal wounds. Although ang tama ng bala sa kanya ay sa ulo. Narekober pa nga sa kaniyang ulo ang bala,” pahayag ni Bauan Police Station chief, Major Allan de Castro.
Kuwento ng kasamahang tricycle drayber ni Castillo, nakaupo sila sa isang bangketa nang biglang may nagpaputok ng baril.
“Bumili kami ng palamig. Pagbili ng palamig namin umupo kami sa upuan, magkatabi kami. Nu’ng umiinom na kami ng palamig bigla nalang may pumutok. ‘Yun pala binabaril na ang kasama ko,” sabi ng kasama ni Castillo.
Dagdag pa ng kasamahan ni Castillo, wala siyang alam na nakaaway ng biktima, na nagpapagaling na sa isang ospital matapos alisin ang bala sa kaniyang ulo.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa krimen. – Mula sa GMA News