Advertisers

Advertisers

Mabagsik, mabilis makahawa… BONG GO: MAGPA-BOOSTER, MAG-INGAT SA OMICRON BQ.1

0 185

Advertisers

Kasunod ng pagtuklas ng COVID-19 Omicron BQ.1 sublineage sa bansa, muling iginiit ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapabakuna at pagpapalakas pati na ang patuloy na pag-iingat laban sa banta ng nasabing virus.

“Huwag ho tayong maging kumpiyansa. Habang nandiriyan po ang COVID (dahil) nagmu-mutate po ito,” sabi Go matapos niyang personal na ayudahan ang mga residenteng naghihirap sa Malalag, Davao del Sur.

“Hindi naman natin alam kung gaano kalakas ito, deadly ba itong bagong variant. Ngunit habang nandiriyan si COVID, delikado. Huwag maging kumpiyansa,” dagdag niya.



Inihayag ng mga opisyal ng kalusugan noong Biyernes na natukoy nila ang “highly transmissible at immune-evasive” na sublineage ng Omicron BQ.1 sa bansa. Kinumpirma ng Department of Health ang 14 bagong kaso ng BQ.1.

Labingtatlo sa mga ito ay nakita sa National Capital Region, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, at Central Visayas.

Sinabi ng DOH na ang mga kasong ito ay umabot sa 0.03% ng kabuuang bilang ng mga subvariant ng Omicron sa bansa.

Ang August COVID-19 wave na tumama sa bansa ay maaaring sanhi ng BQ.1, isang sublineage ng BA.5 na nagmula sa Omicron, ayon sa Philippine Genome Center.

Kung ihahambing sa iba pang subvariant ng Omicron, ang BQ.1 at BQ.1.1 ay sinasabing mas nakahahawa at immune-evasive.



Samantala, hinimok ni Go ang mga Pilipino na magpabakuna at palakasin ang kanilang immunity sa lalong madaling panahon. Batay sa pananaliksik, nagpapakita na ang mga nabakunahan ay nakararanas ng mas kaunting malubhang sintomas mula sa virus.

“Paigtingin po natin ang ating pagpapabakuna. Ang bakuna po ang tanging susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay. ‘Pag qualified na ho kayo sa booster, magpabooster na po tayo kaysa naman po masayang itong mga bakuna at nae-expire po,” ang palaging paalala ni Go.

“Gamitin po ito, suyurin po ang mga hindi pa bakunado,” dagdag niya.

Muli ring pinaalalahanan ni Go ang mga Pilipino na hindi sila dapat makuntento sa pagtanggap lamang ng mga paunang bakuna dahil ang karagdagang booster dose, kapag sila ay kwalipikado para dito, ay magbibigay ng karagdagang layer ng proteksyon laban sa COVID-19.

“Ang baba po ng ating booster vaccination rate, sa ngayon — 26% lang po sa 1st dose. Ang dami pang hindi nagpapabakuna. Huwag ho kayong maging kumpiyansa, nakikiusap po kami. Huwag ho tayong maging kumpiyansa,” ani Go.

“Bilang committee chair on health sa Senado, please lang po, ‘Pag bakunado, mas protektado!,” idiniin ng senador.