Advertisers
Patay ang isang ex-convict nang barilin sa ulo ng babaeng kinakasama nitong Linggo, Nobyembre 27, sa Sitio Balhaan, Barangay Madridejos, Alegria, southwest Cebu.
Kinilala ang biktima na si Neil Leproso, 41, mangingisda na kalalaya pa lamang umano sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center noong nakaraang Mayo. Namatay si Leproso dahil sa tama ng bala sa ulo.
Tumakas naman at patuloy pang pinaghahanap ang salarin na si Niña Dagoc, live in partner ng biktima.
Sa ulat, tatlong beses umanong pinaputukan ni Dagoc ang biktima pero isang bala lamang ang tumama sa ulo nito na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, narinig ng mga kamag-anak ng biktima na nag-aaway ang dalawa subali’t hindi naman umano bago sa dalawa ang pag-aaway.
Gayunpaman, nakarinig na lamang ng magkakasunod na putok ng baril ang mga kaanak ng biktima at nang kanilang tingnan natagpuan nila ang nakabulagtang biktima.
Mabilis umanong sumakay ng motorsiklo ang si Dagoc at tumakas.
Inaalam naman ng pulisya kung sadyang inaantay ng driver ng motorsiklo si Dagoc o kung nirentahan o pinara lamang ito.
Napag-alaman na nakulong dahil sa droga ang biktima at nang makalaya binalikan nito ang kanyang ka-live in at nagpatuloy sa pangingisda para sa kabuhayan.