Advertisers
Lalo pang paiigtingin ang kaayusan at seguridad sa Divisoria ngayong papalapit na ang Christmas season dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili.
Kasabay nito, nakipag-ugnayan ang Manila Police District (MPD) sa mga Barangay na nasasakupan ng Divisoria na magiging katuwang sa pagpapanatili ng payapa at malinis na paligid.
Nitong Martes, Nob. 29 namahagi ng mga Two-way radios at whistles (pito) ang MPD bilang inisyatibo ni Station 2 Dagupan Outpost Supervisor PSMS Gerardo Tubera.
Kabilang sa mga Barangay na nakatanggap ng mga unit sa “Pulis at Barangay Ugnayan and Turnover of Two-way Radios and Whistles” ang Barangay 3,4,6,7,8,9,48,49.
Bawat barangay binigyan ng tig 12 pito at 5 two-way radio na magagamit nila sa pagroronda sa buong Divisoria na nasasakupan ni PSMS Tubera.
Dumalo sa turn-over ceremony sa Brgy.48 covered court, Dagupan, Tondo si MPD Director P/Brig.Gen. Andre P. Dizon bilang pangunahing pandangal at nanguna sa pamamahagi ng unit sa mga Barangay chairman kasama si Station 2 Commander PLt Harry Lorenzo III at PSMS Tubera.
Ayon kay PSMS Tubera ang nasabing aktibidad, bunga ng pagtutulungan ng Barangay, samahan at kapulisan sa adhikain na maging malinis at maayos ang Divisoria.
Ang pamamahagi rin aniya ng mga kagamitan bilang pagsuporta sa mga Barangay officials para sa mabilis na komunikasyon para sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin lalo ngayong papalapit na ang Kapaskuhan na kailangang ipakita ang pagtutulongan at pagkakaisa para sa maayos at malinis na Divisoria.
Naniniwala naman si Gen. Dizon na malaki ang maitutulong ng barangay sa pagmamatyag sa paligid at komunidad.
Aniya, may programa ang pamahalaan na maximum police visibility kaya hinihingi nito sa bawat Barangay ang kanilang tulong na samahan ang kapulisan ng Maynila sa pagpapatrolya sa gabi para sa paghahangad ng kaayusan at kapayapaan habang mahimbing na natutulog ang kanilang mga constituents.(Jocelyn Domenden)