Advertisers
PATAY ang dalawang babae sa pamamaril ng live-in partner ng isa sa mga biktima sa Barangay Talisay, Tiaong, Quezon, Martes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jessica Tambado, 28 anyos, ng Barangay Talisay; at Lani Caya, 26, ng Brgy. San Juan, Tiaong.
At ang salarin ay kinilalang si Totie Laigo, 64, ng Tagaytay City, live in partner ni Caya; at ang dalawa pang kasabwat nito na sina Randy Malabanan, 44, ng Barangay Lagalag; at ang driver ng get away vehicle na si Danny Cordero De Guzman, 39, ng Brgy. Cabatang ng nasabing bayan.
Ayon sa Tiaong police, selos ang motibo sa krimen.
Target ng mga salarin si Caya, samantalang nadamay lamang si Tambado sa pamamaril.
Nangyari ang krimen 11:00 ng gabi sa bahay ni Tambado, kungsaan dumalaw lamang dito ang kanyang kaibigang si Caya.
Ayon sa imbestigasyon, dumating ang tatlong salarin sakay ng isang kulay puting kotseng Toyota Altis at pinasok ang bahay at pinagbabaril ang dalawa.
Mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng San Pablo City.
Sa tulong ng mga kuha ng CCTV sa dinaanan ng kotse, natunton ang tatlong salarin sa bahay ni Laygo sa Tagaytay City.
Narekober sa mga ito ang mga ginamit na baril na isang kalibre .45 at isang caliber 40.
Ayon kay Police Lt. Colonel Marlon Cabataña, hepe ng Tiaong Police, inamin ni Laygo ang krimen at nagalit umano siya nang malaman na may ibang boyfriend ang ka-live in.
Nakakulong na ang tatlo sa Tiaong Police Station at sasampahan ng kasong murder.