Advertisers
Wala namang bago pa sa nabulgar daw na ‘human trafficking’ ng mga Pinoy workers patungong Myanmar kelan lang.
Gumamit daw ang tatlong nasabat na ‘biktima’ ng pekeng airport access passes bilang empleyado ng mga airport concessionaires para makapasok hanggang sa boarding gates. Peke din daw ang pasaporte, boarding passes at maging immigration stamps ng mga ito sa kanilang pasaporte.
Ayokong magbintang pero sa ganang akin, walang dapat na imbestigahan sa pangyayaring ito kundi ang posibleng pagkakasangkot ng mga ilang naliligaw ng landas na immigration personnel, lalo na ang mga naka-assign sa NAIA dahil sila ang mas may kabisado kung paano makakalusot ang isang pasahero para makadiretso ng boarding gate.
Nang mabalitaan ito, agad na iniutos ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Cesar Chiong ang isang malalimang imbestigasyon, mahigit isang linggo na bago pa man ito hilingin ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco.
Dapat na imbestigahan sa bagay na ‘yan kung ano ang ginagawa ng mga airport police, NBI, security guard at immigration personnel partikular na ang BI-travel control and enforcement unit o TCEU at ang Port Operations Division (PoD).
Dalawang bagay lamang ‘yan. Maaring sila ay may nalalaman ng mga nasa likod ng anomalyang ‘yan o di kaya ay sadyang nagbubulag-bulagan lang o natutulog lamang sila sa pansitan.
Bakit kamo? Kaming mga nagco-cover sa airport ay ilang ulit nang nakapagsulat ng istoryang kagaya nito. Paulit-ulit na lang. Ibig bang sabihin, hindi na natuto ang mga opisyal ng BI??
Simple lang. Ang bawat immigration officer ay may hawak o assigned na pantatak sa passport. Bawat isang pantatak ay may sariling numero. Ibig sabihin, may naka-assign na pang-stamp ang bawat immigration officer.
Ngayon, ‘yung sinasabing ‘peke’ na immigration stamp, magandang silipin ng MIAA kung ano ang numero nito at mula doon ay mate-trace kung sinong immigration officer ang nagmamay-ari ng numerong kaakibat ng nasabing stamp para malaman kung peke nga ba ang stamp o sinasabi na lamang na peke dahil nagkabukingan na?
Noong 2011, nagkatimbugan na din ng ganitong operasyon. Tatlong Pinay na tabingi ang papeles ang di dumaan sa immigration area at dumiretso sa isang lounge kung saan naghihintay ang dalawang ‘contacts’ ng kanyang recruiter.
Sa direksyon ng kanyang recruiter, ang dalawang ‘contacts’ na ito ang siyang nakatakdang magtatak ng pasaporte ng tatlong Pinay pero natimbog sila. Inamin ng mga Pinay na nagbigay sila ng tig-P33,000 kapalit ng tatak sa pasaporte.
Noong 2016 naman, isa ring Pinay na patungong Dubai bilang pekeng tourist ang nahulihan ng pekeng tatak ng departure stamp sa pasaporte niya.
Sana maisama na din sa imbestigasyon ang ilang airport police na gumagawa ng mga bagay na ‘labas na’ sa kanilang nakatakdang tungkulin sa paliparan at nagagamit ang uniporme nang wala sa lugar.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.