Advertisers
INILABAS na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 2 composite sketches ng dalawang suspek sa pagkawala ng 34 sabungero sa Laguna.
Ayon kay Brigadier General Ronald Lee, direktor ng CIDG, ang composite sketches ay base sa nakuhang phone video kungsaan ang dalawang suspek at nawawalang biktima ay nakitang naglalakad sa labas ng sabungan sa Sta Crus, Laguna noong April 28, 2021.
Sa video, sinabi ni Lee na ang naglalakad na biktima ay nakilalang si Michael Bautista na nakaposas kasama ang 2 suspek.
Si Bautista na isa sa 34 sabungero na nawawala ay kinilala ng kanyang asawa at kapatid base sa haircut, body built, suot nang huling makita, at personal na mga kagamitan.
Aniya, sa pamamagitan ng video at computerized facial composite ng mga suspek, mayroon nang pagkakilanlan ang mga imbestigador sa patuloy na isinasagawang imbestigasyon sa missing sabungeros.
Ang nasabing video ay ibinigay sa Anti-Cybercrime Group (ACG) ng PNP upang mapalaki ang kuha ng video para mas mapaganda kalalabasan ng facial composite.
Isinaad ni Lee na inihahanda na ng CIDG ang paghaharap ng kaukulang kaso laban sa mga suspek sa Department of Justice.
Nauna dito, naghain ng kaso ang CIDG sa DOJ laban sa 8 suspek at ilang John Does kabilang ang 5 pulis na sangkot sa pagkawala ng sabungerong si Ricardo Lasco sa Manila Arena.(Mark Obleada)