Advertisers
NASAWI ang isang consultant ng National Democratic Front (NDF) na si Ericson Acosta at kasamahan na organizer ng mga magsasaka sa operasyon ng militar nitong Miyerkoles sa Negros Occidental.
Kinilala ang mga nasawi na aktibista/artist na si Ericson alyas “Raffy Acosta”, 49 anyos; at Albert alyas “Tantan Jimenez”.
Sa report ng 3rd Infantry Division, 2:10 ng umaga unang naganap ang engkuwentro sa joint combat operation ng 94th Infantry Battalion (94IB) at 47th Infantry Battalion (47IB) sa Sitio Makilo, Barangay Camansi, Kabankalan City, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente hinggil sa presensiya ng rebeldeng grupo.
Makalipas ang 5 minutong palitan ng putok, umatras ang rebeldeng grupo patungo sa timog na bahagi ng lalawigan.
Pagsapit ng 2:25 ng umaga, 100 metro ang layo mula sa lugar ng unang bakbakan, muling sumiklab ang sagupaan sa pursuit operations ng tropa ng pamahalaan laban sa New People’s Army (NPA). Tumagal ng 10 minuto ang engkuwentro na ikinamatay ng dalawang rebelde.
Nakuha sa mga nasawi na rebelde ang isang KG9 na may magazine at mga bala, 2 caliber .45 pistol na may mga magazine at mga bala, 2 hand grenade, mga dokumento, at lecture materials.
Samantala, iginiit ng tagapagsalita ng NDF-Negros na si Ka Bayani Obrero na hindi engkuwentro ang nangyari sa pagkamatay nina Acosta kundi isang summary execution.
Aniya, nadakip na buhay ang dalawa ng mga militar 2:00 ng madaling araw sa nasabing lugar.
Dagdag pa ni Obrero, nasa Kabankalan City si Acosta upang kumonsulta sa sitwasyon ng mga manggagawang bukid sa southern Negros Occidental at ibahagi ang mga development sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER).
Tinawag namang sinungaling ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Colonel Medel Aguilar ang pahayag ng NDF-Negros at sinabing gusto lamang siraan ng grupo ang militar.
Si Acosta ang kasalukuyan Deputy Secretary of Komiteng Rehiyon- Negros Cebu Bohol Siquijor (KR-NCBS) at lider rin ng Political Unified Committee (PUC) ng NPA Terrorists sa Visayas at asawa ng namatay na NPA lider na si Kerima Tariman, sa naganap ang engkwentro ng elemento ng 79IB sa Silay City noong Agosto 22, 2021.