Advertisers
Matapos manguna sa magkahiwalay na relief operations para sa mga biktima ng sunog at market vendors, kasama si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay dumalo naman si Senator Christopher “Bong” Go sa 2022 Cebu Provincial Year-End Summit and Recognition sa Waterfront Cebu City Hotel and Casino para pasalamatan at papurihan ang mga manggagawa sa barangay.
Sa kanyang talumpati, kinilala ni Go ang mga manggagawa sa barangay sa kanilang dedikasyon at paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan, gayundin sa pagsisilbing tulay sa mga Pilipino upang maabot ang provincial at national government.
Kinilala rin niya ang naging papel ng mga ito sa pagtiyak na patuloy na makababangon ang kani-kanilang barangay mula sa pandemya.
“Masaya po ako na maging parte ng inyong year-end summit na may temang: Barangay Resiliency and Development for a Progressive Cebu Province in a New Normal. Ito ang dahilan kung bakit nais kong bigyang-diin ang inyong mahalagang papel sa gobyerno at sa ating mga komunidad. As barangay leaders, kayo po ang takbuhan ng ating mga kababayan, lalo na sa maliliit na komunidad,” sabi ni Go.
“Nais ko pong batiin ang mga masisipag na lider ng ating mga barangay dito sa Cebu. Maraming salamat sa inyong walang sawang pagseserbisyo sa ating mga kababayan at pagsuporta sa mga pagbabagong nais ipatupad ng gobyerno para sa ikagaganda ng ating bansa,” idiniin ng senador.
Ayon sa senador, sinuportahan niya ang pagpapaliban ng barangay elections para mabigyan ng sapat na panahon ang barangay officials at SK leaders na ituloy ang kanilang mga proyekto at programa para sa kanilang mga nasasakupan.
“Naturingan man kayong pinakamaliit na unit ng gobyerno, hindi maipagkakailang ang barangay rin ang pinakamahalaga sa lahat. Kayo po ang nagsisilbing pundasyon ng ating LGUs. Kung hindi maayos ang inyong pamumuno, paniguradong apektado ang bawat lebel ng ating gobyerno,” paliwanag ni Go.
“Sa lahat ng mga kahilingang ito ng gobyerno, makaaasa naman kayo na hindi namin kayo pababayaan. Naniniwala ako na dapat lang na mabigyan natin ang mga opisyal ng barangay ng sapat na panahon upang makapagpatupad ng kani-kanilang mga programa at proyekto sa kanilang mga nasasakupan,” giit niya.
Sa pagkilala sa sakripisyo at pagsusumikap ng mga manggagawa sa barangay, patuloy na isinusulong ni Go ang Senate Bill No. 197 na magbibigay ng Magna Carta para sa mga Barangay. Naghain din siya ng SBN 427 na nag-uutos sa pagbibigay ng allowance at insentibo sa mga barangay health workers.
Kung maisasabatas ang SBN 197, ang mga opisyal ng barangay ay ituturing na mga regular na empleyado ng gobyerno. Ang punong barangay, mga miyembro ng Sangguniang Barangay, ang Sangguniang Kabataan chairperson, ang barangay secretary at barangay treasurer ay karapat-dapat sa mga suweldo, emolument, allowance tulad ng hazard pay, representasyon at allowance sa transportasyon, 13th month pay at iba pang benepisyo na ibinibigay sa mga regular na empleyado ng gobyerno.
Sa kabilang banda, kung maipapasa bilang batas ang SBN 427, isang buwanang allowance ang ibibigay sa lahat ng mga barangay health worker at sila ay karapat-dapat din sa security of tenure at iba pang benepisyo at pribilehiyo.
“Bilang barangay leaders, inaasahan po namin na tutuparin ninyo ang inyong mandato nang tapat at may integridad. Inaasahan po namin na pahahalagahan ninyo ang ipinagkaloob sa inyo,” sabi ni Go.
“Panahon na para palakasin natin ang ating basic political unit, ang barangay, dahil naniniwala ako na ang mas magandang barangay ay nangangahulugan ng mas magandang Pilipinas,” ayon pa sa mambabatas.