Advertisers
Tone-toneladang copper wire ang nasabat mula sa mga umano’y miyembro ng “Spaghetti Gang” sa Quezon City.
Ayon sa mga awtoridad, matagal na raw nilang minamanmanan ang pagkawala ng mga copper cable ng isang malaking telecommunications company.
Sa ulat, 3:00 ng madaling araw nitong Sabado nang masabat ang isang truck sa Barangay Pinyahan.
“Yun yun mga kumukuha ng mga kable doon sa ilalim ng manhole which is ito yung mga copper wire na malaki ang halaga,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Ritchie Claraval, Quezon City Police District Station 9 chief.
Aabot umano sa P500,000 ang halaga ng mga nasabat na copper cable.
“Base dun sa intel natin, merong nangyaring insidente dito sa may Taytay, Rizal na may nagta-transport ng cables. So tamang-tama yung mga pulis naman natin, nakakalat naman yung mga patrollers natin nagka-conduct ng checkpoint, na-intercept itong truck na’to,” dagdag niya.
Nagpulasan ang mga suspek noong makita ang mga pulis at iniwan na lamang ang truck. Habang ang driver at pahinante ay nahuli ng mga awtoridad.
“Wala talaga kaming alam dito sa transaksiyon na’to, alam talaga namin magkarga at magdeliver lang,” ani ng isang nahuli.
Kwento pa niya, nakatanggap daw siya ng text na nagtatanong kung may maa-arkilang truck. Inalok raw sila ng P14,500 na budget at sagot na ng mga magrerenta ang pambayad sa toll at gas.
Matapos ay nag-usap daw silang magkikita nitong hatinggabi ngunit nagtaka na lamang daw siya nang lahat ng nakikita niya ay nakatago ang mga mukha. Hindi rin daw sila pinabababa ng truck at pinasunod lang sa mga utos.
Nang inilagay ang mga kable sa likod ng truck ay nagtaka na lamang daw sila nang makitang may mga escort silang motorsiklo, bukod pa sa sinusundan nilang kotse.
Samantala, aminado naman ang may-ari ng trucking services na nagkamali sila dahil hindi nila nakausap at nakunan ng detalye ang nagpa-book sa kanila.
“Ang alam lang po namin, may nagpapaservice po ng ganitong truck namin. Hindi namin nakuha yung kumpletong details kung ano po yung ikakarga,” ani ng may-ari.
Ayon sa mga awtoridad, kahit na nirentahan lang sila ay may pananagutan pa rin sila sa insidente.