Kahit ‘di forte ang comedy…Direk Paul kinarir ang MMFF entry na ‘My Teacher’ dahil kina Toni at Joey
Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
HINDI nahirapan ang 75-anyos na komedyante at Eat Bulaga host na si Joey de Leon na gawin ang MMFF entry na My Teacher mula sa Ten17P Films at TinCan Productions dahil talagang inalagaan ito ng mag-asawang Direk Paul Soriano at Toni Gonzaga.
Batid naman natin na nasa pandemya pa rin ang bansa at nasa tabi-tabi pa rin ang Covid-19 kaya hindi maiiwasang mag-alala ang pamilya ng Henyo Master sa paglabas niya ng bahay para mag-shooting ng My Teacher na entry sa Metro Manila Film Festival sa Dec. 25.
“We were cautious about yung health niya. We promised the De Leon family that we would take care of Tito Joey. Blessing talaga, we finished everything, smooth lahat,” tsika ng direktor ng pelikula na si Direk Paul sa solo presscon niya bilang Presidential Adviser for Creative Communications.
Happy si Direk Paul na maidirek sa My Teacher si Joey na icon na rin naman sa industriya at matagal nang hindi gumagawa ng pelikula, solo man o kasama sina Tito at Vic Sotto.
Sa Eat Bulaga man ay bihirang magpunta sa studio ang komedyante at lagi lang sa bahay kaya itinuturing ni Direk Paul na suwerte ang pagpayag nitong gawin ang filmfest entry nila.
Gayundin, medyo matagal na rin daw na hindi naididirek ni Direk Paul ang misis na si Toni kaya tila reunion project ulit nila ito. A Journey Home ang last movie na ginawa nila noong 2009.
Dagdag pa ni Direk Paul, kay Toni anya nanggaling ang konsepto ng My Teacher at bagama’t aminado na hindi niya forte ang comedy, na-excite umano siyang gawin ito.
Bukod kina Toni at Joey, kasama rin sa My Teacher sina Carmi Martin, Rufa Mae Quinto, Kakai Bautista, Jackie Lou Blanco, Pauline Mendoza, at ang loveteam nina Ronnie Alonte at Loisa Andalio.
Tungkol naman sa kanyang katungkulan bilang Presidential Adviser Secretary, iginiit nitong tutuparin ang mandato na ilapit ang gobyerno sa madlang pipol.
Nilinaw rin nito na hindi anya sakop ng mga ahensiyang gaya ng FDCP at NCCA ang kanyang tanggapan.
Pero kapag kinailangan daw ang kanyang tulong ay narito lang siya para sumuporta at magbigay ng mga ideya.
Samantala, nais ding magpasalamat ng bumubuo ng My Teacher sa Winford Hotel at sa Godfather Production ni Joed Serrano sa pagsuporta sa kanila.