Advertisers
Nakatanggap ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ng P5,522,434.46 milyong charity fund mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na personal na ginawaran ng General Manager nitong si Mr. Melquiades Robles noong Martes, Disyembre 6.
Ipinahayag ni Mayor Along ang kanyang pasasalamat at intensyon na ilaan ang nasabing pondo sa rescue and public health care programs ng lungsod, lalo na para sa kapakanan ng mga matatanda, street dwellers at mga ulila.
“Nagpapasalamat po tayo sa pagmamalasakit ng PCSO na pinangunahan ni GM Mel Robles. Ilalaan po natin ito sa pagtulong sa mga kababayan na hirap sa buhay at walang kakayanang magpasuri o magpagamot. Ang bahagi ng pondong ito ay makakatulong na maibaba natin ang mga serbisyong medikal sa bawat komunidad sa Caloocan,” wika ni Mayor Along.
“Palagian po tayong nagsasagawa ng rescue operations at hindi po biro ang pondong kinakailangan upang matuloy ito. Kaya naman malaking bagay po ito sa ating adhikain na iparamdam ang malasakit sa bawat taga-Caloocan, lalo na sa mga lubos na naapektuhan ng krisis, mga walang tahanan at mga biktima ng pang-aabuso,” dagdag ni Malapitan.
Nagpasalamat din si Malapitan sa PCSO sa dati nitong donasyon na nagkakahalaga ng P300,000 para sa mga nasagip na indibidwal na naninirahan sa Tahanang Mapagpala.
“Salamat din po sa naunang ipinaabot na P300,000 ng PCSO. Inilaan po natin ito para sa mga pangangailangang medikal ng ating mga kababayang kinakalinga sa Tahanang Mapagpala lalo na sa ating mga senior citizens doon na mayroon nang iniindang karamdaman,” wika ni Mayor Along.
Pinuri ni PSCO GM Melquiades Robles si Mayor Along Malapitan at ang Lungsod ng Caloocan sa mga programa nito, lalo na para sa mga mahihirap na sektor.
“Siguradong mapapakinabangan ng mga taga-Caloocan ang handog na charity fund ng PCSO. Mayor Along Malapitan, binabati ka namin sa iyong magagandang programa para sa mga higit na naganap at sa iyong mahusay na pamumuno. Nais namin sa iyo at sa Lungsod ng Caloocan ang lahat ng pinakamahusay,” sabi ni GM Robles.