Advertisers
TODAS ang isang miyembro ng Philippine Army nang pagbabarilin ng kapwa sundalo sa burol ng kanilang “comrade” na napatay sa ambush sa Sigma, Capiz nitong Disyembre 6 ng gabi sa Iloilo city.
Kinilala ang nasawi na si Staff Sergeant Mariano Daran, 43 anyos, residente ng Barangay Jaena Norte, Jamindan, Capiz; habang ang salarin ay kinilalang si Corporal Joemarie Fermaran, 41, ng Barangay Lumapao, Canlaon City, Negros Oriental.
Isinugod ng mga miyembro ng Sigma Response Team (SRT) si Daran sa Mambusao District Hospital pero idineklarang dead-on-arrival dahil sa dami ng tinamong tama ng bala sa katawan.
Agad namang naaresto ng mga opisyal ng barangay si Fermaran.
Sina Daran at Fermaran ay kapwa miyembro ng 12th Infantry Battalion ng Army na nakabase sa Camp Cipriano Carreon sa Barangay Libot, Calinog, Iloilo. Bahagi rin sila ng team na itinalaga para mangalaga sa burol ng kanilang kasamahang sundalo na si Sergeant Regie Glendro sa Barangay Pinamalatican, may 15 kilometro ang layo mula sa town proper.
Isa si Glendro sa dalawang intelligence operatives mula sa 47th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Candoni, Negros Occidental na napatay sa ambush sa Sitio Camboguiot, Barangay Camindangan, Sipalay City noong Nobyembre 24, 2022.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang naghahanda si Fermaran para sa kanyang duty bilang isa sa mga honor guards sa burol ni Glendro nang kumprontahin siya ni Daran 9:30 ng gabi nitong Martes.
Sinabi ni Captain Marvin Balmes, hepe ng Sigma Police, sinita ni Daran si Fermaran dahil sa paggala nito sa lugar at umaalis sa bisinidad ng burol. Nag-aalala lamang umano ang biktima sa kaligtasan ni Fermaran dahil sa liblib ang naturang lugar.
Dahil dito, nauwi sa mainitang pagtatalo ang pagsita ng biktima kay Fermaran. Ilang sandali, nagulat ang mga tao sa lamayan nang paulanan ng bala ni Fermaran si Daran.
Mabilis na nagtakbuhan ang mga taong nakikipaglamay at kanya-kanyang tago para sa kanilang kaligtasan.
Matapos ang insidente, naaresto rin si Fermaran ng mga rumespondeng taga-barangay at dinala sa police station.
Inamin ni Fermaran na nakainom siya ng alak nang mapatay nito ang kanyang kasamahang sundalo.
Nabatid na nasa serbisyo si Fermaran sa loob ng 16 taon.
Narekober ng mga pulis sa crime scene ang 22 basyo ng bala ng kalibre 5.56mm rifle, isang caliber .9mm Glock 17 ( AFP066276) na may 16 bala, at empty magazine M16 rifle.
Isinuko rin ni si Fermaran ang kanyang service firearm na Remington .5.56mm rifle (serial number DL027516) na may magazine na kargado ng pitong bala.